Martes, Oktubre 30, 2012

Pasasalamat

ang Oktubre ay isang espesyal na buwan para sa akin... ito ay isang hudyat na madadagdagan na naman ng isang bilang ang aking edad. noon, bago ako ng 18 ay laging pinanabikan ang pagsapit ng kaarawan at nagmamadaling umabot sa wastong edad. pero ngayon parang madalas ay ayaw na at hahay tumatanda na nga pala talaga ko. at sa tuwing kaarawan ko bibiharang mag-abala para sa isang salu-salo.

at sa pagkakataong ito, aking napagpasyahang tipunin ang aking mga kaibigan upang ako ay kanilang samahan sa espesyal na araw. sadyang nakakatuwa at nakakataba ng puso na makita silang nasisiyahan sa bawat pagsubo at pagnguya ng mga putaheng aking inihanda para lamang sa kanila. ang resulta ay sulit ang effort!

HAPPY TUMMY!

ang aking nakayan...
Pansit, Bangus Cake, Pasta at Bibingkang Kanin


ang aking mga panauhin




narito ang aking pasasalamat:


una sa lahat nais kong magpasalamat sa KANYA.
ikalawa, sa aking mahal na MAMA at Pamilya na syang aking naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon.
ikatlo, sa lahat ng aking mga KAIBIGAN - noon at ngayon (sensya na di ko na kayo iniisa-isa at kakapusin ang espasyong ito sa dami nyo).
ikaapat, sa aking Inspirasyon 
panghuli, sa lahat na nakaalala at nakalimot.

well, hihintayin ko na lang din ang mga regalo nyo at madali naman akong kausap at kaya kong maghintay. :P

he he he... drama-dramahan ang epektus lang. 

MARAMING-MARAMING SALAMAT SA LAHAT NG BUMATI, PATULOY NA BUMABATI AT BABATI AT SA WALANG PLANONG BUMATI!

hahay, damatans na ang byuti ko!!!
siyang tunay na MALIGAYA ang abang KAARAWAN!




Linggo, Oktubre 28, 2012

Binagoongang Baboy

bihira akong kumain ng puru-purong karne lalu na kung baboy, sa kadalas ang karne ay sahog o lahok lamang sa pangunahing ulam na aking niluluto. mas gusto ko kasi ang gulay at higit itong nakakatulong sa aking pumapalyang panunaw. ngunit hinahanap-hanap ko din ang lasa ng karne kaya pana-panahon akong nagluluto nito. tulad ng aking Binagoongang Baboy ngayon, hindi ito ang pangunahing ulam ko pero ito ay magsisilbing sawsawan o partner ng aking gulay. 

Binagoongang Baboy
Binagoongang Baboy at Kangkong

Binagoongang Baboy at Talong
Mga Sangkap

1/4 kilong Baboy (liempo)
1 garapon ng Bagoong Alamang
10 pirasong Siling Haba
4 na butil ng Bawang
1 pirasong Sibuyas
1 lata ng Gata
1 kutsarang Suka
1 kutsarang Asukal

Paraan ng Pagluluto

1. sa kawali, ilagay ang baboy at pakuluan hanggang sa lumambot ang karne. hayaang maubos o matuyo ang tubig at lumabas ang sariling mantika ng baboy.

2. kapag sapat na naprito ang karne, hanguin at itabi.

3. sa mismong kawali na pinagprituhan ng karne ay igisa ang bawang, sibuyas at sili sa loob ng 3 minuto o hanggang sa lumabas ang aroma ng mga ito.

4. muling ibalik ang karne  at igisa loob ng 2 minuto.

5. ilagay ang bagoong at lutuin sa loob ng 5 minuto.

6. ilagay ang asukal.

7. ilagay ang suka. huwag hahaluin sa loob ng 2-3 minuto para di mahilaw ang suka.

8. ibuhos ang gata at lutuin hanggang sa halos matuyo ito.

9. hanguin. ihain ng may kasamang gulay at mainit na kanin!

Ulaman: 2-3 platito

Sabado, Oktubre 27, 2012

recap

halos isang buwan na ang lumipas ng simulan ko ang tambayan na ito. nagsimula sa pangungulila at pagkaburyong sa pakikipagsapalaran dito sa ibayong-dagat. at ang isa naging kanlungan ko ay ang kusina, dito ko inaral at inaaral ang mga putaheng naglalaro sa aking isipan. mga putaheng mayroong kaugnayan sa aking nakaraan at hinarap.
ang aking simula

langit sa kusina

halimbawa na lamang ang ispageti na tatak ng aming pamilya na walang kasawa-sawa sa pagkain nito. ang ebolusyon ng pagkahumaling sa ganito...

ispageting pababa at pataas! :)

Baked Tomato in Olive Oil Pasta 

with Peas, Carrots & Feta Cheese.

mga pagkaing nakapagpapaalala ng aking nakaraan

Lumpiang Sariwa 

ala Diwatang Lagalag

Sipo (with out) Egg

syempre malaking bahagi ng buhay OFW ay ang pagba-budget ng mga bagay-bagay.

on budget

budget 101

at ang pagnanais magkaroon ng sapat na sustansya sa mga tinatawag na "processed food".

INSTANT SUSTANSYA!

tuna & peas in oyster sauce

nakatutuwa na ang ilang kaibigan ay buong lugod na napa-unlakan ang paanyayang makipagbahaginan.

Ate Lei's Chicken Macaroni Soup

Sweet and Sour Pork ni Kristine
mga bagong kaibigan

mommy kat's baby shower

ang hamong pag-iba-ibahin ang atake sa walang kakupas-kupas at karaniwang pagkain ng manok dito sa gitnang silangan.

chicken 101: adobo express

mga pinangngahasang lutuin.

bibingkang kanin ala 201a

mga karaniwang pagkaing binigyan ng ibang atake

FRIED RICE ala Diwata


at syempre, iilan pa lamang ang mga ito at umaasa akong yayabong at hahaba pa ang listahan natin. muli, maraming salamat sa inyong pagbisita sa ating abang tambayan.

gawin nating bahagi na ng ating gawi ang pagbisita dito. asahan ko kayo sa tuwina!

HAPPY EATING!
HAPPY TUMMY!




Martes, Oktubre 23, 2012

TORTANG PATATAS

hala! parang sa isang iglap ay  naumay ako sa karne... inaabot ko talaga ang mga pagkakataong ito. mayroon akong gustong kainin pero di ko pa ito mawari. bwahahahaha para bagang naglilihi ika nga. kaya di ko alam ang iluluto ko para sa hapunan at baon ko kinabukasan. isip. isip. isip. parang ang laki-laki ng problema ko hane?

at biglang, TING! ano nga bang imbak ko? hmmm... mayroon akong 4 na pirasong kamatis, itlog at patatas! pwede akong mag ginisang kamatis pero gusto ko naman ng patatas. omelette? he he he bahala na. kaya tulad ng dating gawi, pagsama-samahin ang mga anuman ang mayroon! 

happy tummy!

TORTANG PATATAS

mga sangkap

4 pirasong kamatis
1 pirasong patatas
2 pirasong itlog
2 butil ng bawang
1 pirasong sibuyas
1 kutsaritang paprika
1 kutsaritang asin
mantika

paraan ng pagluluto

1. iprito muna ang patatas ng may asin at paprika. itabi.

2. igisa ang bawang, sibuyas at kamatis.

3. kapag halos maluto na ang kamatis at ilagay na ang patatas at lutuin sa loob ng 2 minuto.

4. isunod na ilagay ang binating itlog at lutuin sa loob ng 3 minuto.

5. maaaring timplahan pa ng asin at paprika ayon sa panlasa. 

6. hanguin at ihain ng may tinapay o mainit na kanin.

paghahain: 2 ulaman

Lunes, Oktubre 22, 2012

Sipo (with out) Egg

ang putaheng ito ay isa sa mga paborito at inaabangan ko sa tuwing mayroong handaan sa amin. marahil sa krema at linamnam na mayroon ito. sa kadalasan ay pinapapak ko nga lang ito imbes na ulamin. siguro maaari itong ihanay bilang "salad". at isa sa pinag-aagawan dito ay ang mangilang-ngilang piraso ng itlog ng pugo! pero di ko pa rin ma-gets bakit ito naging "sipo egg". ano nga kaya ang ibig sabihin ng sipo? hmmm.... sensya na at hindi ko rin ba alam, oho.

at dahil lagi akong mayroong frozen peas, tirang maling o luncheon meat, tirang burger patty galing kay Tage (ka-flatmate ko) at kernel corn... aba-aba, posibleng magpagluto ako nito. ika nga kung anong mayroon ako eh yun ang pagsasamahin kong iluto. tutal di naman magrereklamo siguro ang mga alaga ko, he he he. dadagdag na lamang ako ng iilang kinakailangang sangkap para sa putaheng ito.

Sipo (with out) Egg

mga sangkap
1/4 kilong peas
2 pirasong carrots
1 latang corn kernel
1/2 latang maling o luncheon meat (tira ko lang ang ginamit ko dito)
1 pirasong burger pattie
1 pirasong sibuyas
4 butil ng bawang
1 maliit na lata ng cream
gakurot na asin
gakurot na paminta
1/4 tasang mantika
6 pirasong nilagang itlog ng pugo

paraan ng pagluluto

1. iprito muna ang luncheon meat at burger pattie. hanguin at itabi.

2. sa mismong pinagprituhan ng luncheon meat ay igisa ang bawang at sibuyas.

3. isunod na ilagay ang mga gulay - peas, carrots at corn kernel. lutuin sa loob ng 2 minuto.

4. ibuhos at haluin ang cream, asin at pamina.pakuluin sa loob ng 5 minuto.

5. kapag halos wala ng sabaw ay hanguin at ihain ng kasamang mainit na kanin.

nota: ang nilagang itlog ng pugo ay maaaring idagdag sa huli kung mayroon.

paghahain: 3 ulaman

Linggo, Oktubre 21, 2012

Spicy Squid with Carrots in Oyster Sauce

halos wala na akong imbak sa bahay... mayroon pa namang karne ata ng baboy pero parang wala ako sa kundisyon na ito ay lutuin. gusto ko sana ng manok so hayun mula sa trabaho diresto sa bilihan. at pagdating ko dun e nag-iba bigla ang trip ko. napukaw ng mga pusit ang aking pansin. okay, pusit na lang ang lulutuin ko ngayong gabi. 

pagdating sa bahay, bisi-bisihan na ang byuti ko. hala, sige linisin na ang mga pusit. sa paglilinis ko nito ay itinatabi ko ang ilang "tinta", siguro mga tatlong piraso yun. ayaw ko kasing sobrang itim ng sarsa kung sakali kaya kumuha lang ako ng sapat para magkaroon ng kulay ito. at dahil gusto ko ng may gulay hanggat maaari ang aking mga kakainin ay hinarbat ko ang nag-iisang carrot na nasa ref namin. mula sa simpleng adobong pusit ay medyo naging susyal ng konti ang dating. at ang oyster sauce ay laging naka-antabay sa anumang aking lutuin... ito ang isa sa mga "bespren" ko sa kusina!

luto na!

Spicy Squid with Carrots in Oyster Sauce

mga sangkap

1/2 kilong pusit
1 pirasong carrot
2 pirasong kamatis
4 butil ng bawang
1 pirasong sibuyas
1 pirasong luya (mga 1-2 inches)
3 pirasong siling haba
3 kutsarang oyster sauce
1 kutsarang suka
4 kutsarang mantika
asin at paminta ayon sa panlasa

paraan ng pagluluto

1. igisa ang luya, bawang, sibuyas at sili.

2. kapag halos amoy mo na ang aroma ng mga naunang sangkap ay isunod ang kamatis.

3. ilagay ang tinta ng pusit at lutuin sa loob ng 1-2 minuto.

4. isunod na ilagay ang pusit at oyster sauce.

5. pagkatapos ng 3 minuto at ilagay ang suka pero huwag hahaluin. hayaan lamang ito sa loob 3-5 minuto.

6. ilagay ang carrots at lutuin sa loob ng 2 minuto.

7. maaari ng timplahan ng asin at paminta ayon sa panlasa. hanguin.

serving: 2-3 ulaman



Sabado, Oktubre 20, 2012

Ginataang Sitaw at Kalabasa

matapos ang sunud-sunod na kainan sa flat at puro karne ang inihanda... pakiramdam ko ay naka-piket na ang mga alaga ko sa tyan. animo'y may petisyon signing, noise barrage, mpt at op-od na nagaganap. pawang ang nakalagay sa mga plakards, posters at streamers ay gulay, GULAY, GGGUUUUULLLLAAAAYYYY!!! 

ang sakit ng tyan ko eh. kasi di na sanay ang tyan ko sa puro karne. at para tugunan ang panawagan... diretso sa gulayan!

Ginataang Sitaw at Kalabasa



mga sangkap:

1 tali ng sitaw
1/4 kilong kalabasa
4 butil ng bawang
1 pirasong sibuyas
1 lata ng gata
3 kutsarang bagoong alamang
6 pirasong sili
1 pirasong luya (kasing laki ng maliit na lighter)
1/2 tasang mantika

paraan ng pagluluto:

1. igisa ang luya, bawang, sibuyas at sili.

2. ilagay ang alamang at lutuin sa loob ng 3 minuto.

3. isunod na ilagay ang kalabasa.

4. atsaka ibuhos ang gata at pakuluin.

5. ilagay ang sitaw at pakuluin.


7. hanguin.

serving: 2-3 ulaman


Biyernes, Oktubre 19, 2012

Baked Tomato in Olive Oil Pasta with Peas, Carrots & Feta Cheese.

aminado kong numero unong panatiko at tagatangkilik ng pasta! lalu na yung mga tinatawag na "tomato based" sauce... na mayroong sipa ng konting asim at linamnam na binibigay ng kamatis. at nagsimula ang pagkagiliw ko sa pasta sa nakamulatan kong ispageti ni mama - i-click mo dito kung paano.at kalaunan ay na-expose ako sa iba't-ibang pasta na mayroon ding iba't-ibang sarsang kahalo. di lamang pala, pula ito... mayroong puti tulad ng sa carbonara at mayroon din mala-berde tulad ng pesto.

kaya naging mapangngahas akong subukan ang iba't-ibang klase ng lutuin ng pasta. at di lang ispageti (mala-hibla) ang hugis at hitsura nito, nariyan ang macaroni, penne, farfelle, spiral at marami pang iba! at ang pasta ay isa sa mga pagkain na sa tuwina'y mayroon akong imbak! bwahahahaha parang takot akong magutom hane? di naman, nagkakataon at sa madalas ay naka-sale din ang mga ito kaya isang bultuhan kung makabili. 

ang isang nakatutuwa dito sa UAE liban sa madalas ang mga SALE ay napakamura din ng kamatis at sibuyas. kaya swak na swak ito sa akin na laging on budget! kaya kapag pinagsama ang Kamatis at Pasta ay kaligayahan sa mga alaga ko sa tyan! 

at dahil mayroon kaming oven sa flat... ay nakiki-sosyal lang ang peg na makapag-bake! kaya ibe-bake ko ang sauce ko para maiba naman, he he he. ang totoo kasi nangangarap akong matikman ang sun-dried tomatoes kaso napakamahal nito sa merkado. marahil uubra na itong bersyon ko. idagdag pa na mura din ang olive oil dito. uuuuwwwaaaaaahhhh!!! to the highest level na talaga ang dating... parang si rachel ray lang ang peg na mahilig sa e.v.o.o.!

Baked Tomato in Olive Oil Pasta with Peas, Carrots & Feta Cheese

mga sangkap:

1 kilong kamatis
1/2 tasang olive oil
2 sibuyas
asin
paminta
paprika
pasta (spaghetti - lutuin ayon sa pakete)

paraan ng pagluluto:

1.gayatin ang kamatis ayon sa kagustuhang laki at hugis. basta kung san ka masaya eh, suportahan taka!

2. sa baking pan, i-hanay ang mga katamis.

3. ilagay ang sibuyas.

4. budburan ng asin, paminta, at paprika.

5. lagyan ng olive oil!

6. painitin ang oven sa loob ng 10 minuto.

7. isalang ang baking pan sa oven sa loob ng 20-30 minuto.

8. habang hinihintay maluto ang kamatis ay iluto na ang pasta o ispageti sa pagkakataong ito.

9. kapag mga halos malapit ng maluto ang pasta ay ilagay ang carrots at peas.

10. hanguin ang pasta, i-drain ang tubig at huwag babanlawan.

11. ilagay ang pasta, carrots at peas sa bowl at itabi.

12. halos magkakapanabayan lamang maluluto ang "sauce"... kaya paghaluin ang lahat ng mga ito. maaaring dagdagan ng asin, paminta at olive oil, ayon sa panlasa.

13. matapos mahalo, maaaring lagyan ng feta cheese o anumang cheese na mayroon. 

nota: maaaring gawin ng mas maaaga ang "sauce" at i-imbak ito sa ref. ang olive oil ay maaaring dagdagan kapag iniimbak ito para ma-infuse ng husto ang lasa ng kamatis. :)

servings: 2 - 3 kainan



Huwebes, Oktubre 18, 2012

Papa B's Pork, Mushroom & Asparagus in Oyster Sauce

nakakatuwang malaman na marami sa ating mga OFW's ay nagkaroon ng pagkakataong matutunan at kagiliwan ang pagluluto. mantakin mo ba namang mag-isa ka. magugutom ka kapag naghintay ka ng himala na may maghahain ng pagkain sa harapan mo. ang karaniwang OFW ay maghapong kumakayod mula umaga hanggang gabi. tulad na lamang ng ating panauhin ngayon, isang magiting na migranteng manggawa na tubong Bulacan... pasalubungan po natin ng masigabong palakpakan at di magkamayaw na hiyawan - walang iba kundi si PAPA B!!!

"Ako po si Bernabe Pascual Jr
may asawa at tatlong mga anak, 
ako po ngayon ay nagtatrabaho sa Dubai
limang taon na po akong ofw. 
Noong ako po ay nasa pilipinas hindi naman po ako mahilig magluto, 
pinanood ko lang pong magluto ang aking Tatay, Nanay, Kuya at Ate, 
pero mahilig po akong kumain, ha ha ha..
 dito lang po akong nag-umpisang magluto 
simula nung malayo ako sa aking mga mahal sa buhay."

Papa B's Pork, Mushroom & Asparagus in Oyster Sauce

Mga sangkap:

¼ na baboy – liempo
1 latang kabute – hiwa-hiwa
1 balot na asparagus
3 pirasong bawang
1 pirasong sibuyas
2 kutsarang mantika
1 lutsatirang chilli powder (kung gusto lang maanghang)
½ tasang oyster sauce

Paraan ng pagluluto:

1. Ilagay ang mantika sa mainit na kawali, igisa ang bawang at sibuyas.

2. Ilagay ang baboy hanggang magkulay brown.

3. Ilagay ang kabute haluin at hayaan muna hanggang 3 minuto.

4. Ilagay ang oyster sauce haluin at pakuluin hanggang mga 5 minuto.

5. Habang niluluto ang baboy magpakulo ng tubig, hugasan ang asparagus ilagay sa isang malukong na mangkok at lagyan ng kumukulong tubig hayaan hanggang 2-3 minuto, alisin ang tubig para malutong pa din ang asparagus.

6. Pagkaluto ng mga pinag-halo halong sangkap hanguin sa malukong na mangkok at ilagay sa ibabaw ang asparagus.

Pahahain: 4-5 na platito

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Chicken 101: DL's Chicken Sisig


muling bibida ang lutuing manok, ano pa nga ba? kaya isang hamon talaga ang pag-iba-ibahin ang paghahanda nito para magkaroon lagi ng sigla at gana sa pagkain. karaniwan kapag ang isang ulam ay palagian kinakain ay nauumay at nawawalan tayo ng gana. mantakin mo ba namang sa isang linggo ay halos 3-4 na beses mo itong maihahanda. ang isang biruan nga dito ng mga kabayan ay sukang-suka na raw sila sa manok. hahay.

kaya ngayon ang ihahanda natin ay Sisig!


DL's Chicken Sisig

mga sangkap:

1/2 kilong manok
2 pirasong sibuyas
4 pirasong siling haba
1 kutsaritang asin
1 kutsaritang paminta
1 pirasong lemon

paraan ng pagluluto

1. pakuluan ang manok ng may asin at paminta hanggang sa lumambot ang karne.

2. himayin ang laman ng manok.

3. gayatin ang manok, sibuyas at sili. 

4. pagsama-samahin ang manok, sibuyas at sili. 

5. timplahan ng lemon, asin at paminta ayon sa panlasa.


servings: 2 - 3 ulaman

Martes, Oktubre 16, 2012

Bistek Tokwa ni Di-Lag

okay, aminado ko... panatiko ako ng TOKWA! oo, TOKWA! wala ng iba, T-O-K-W-A! anak talaga ng tokwa! di ko rin maipaliwanag kung bakit eh, basta gusto ko talaga ng tokwa. at dahil dito pamalagian ko itong niluluto basta nagkaroon ng pagkakataong makabili nito dito sa UAE. at may pagkakataong kapag natyempuhan kong "S-A-L-E" as in malapit na ma-expire (may 2 weeks pa naman bago mag-exprire) ay hala, bili ng bongga! kaya madalas nakakantyawan na ko sa flat namin kasi puro tokwa ang espasyo ko sa ref namin. pero keber lang sa kantyaw at totoo namang parang nagpa-panic buying ang byuti ko! 

so no need na patagalin pa ito sa ref, birahin na! 

Bistek Tokwa ni Di-Lag


mga sangkap:

1 balot ng tokwa
4 butil ng bawang
2 pirasong sibuyas
gakurot na asin
gakurot na paminta
1 kutsaritang chili flakes (optional)
2 kutsarang oyster sauce
2 kutsarang toyo
1 kutsarang suka
1 tasang harina
1 tasang mantika

paraan ng pagluluto:

1. hiwain ng "bite size" ang tokwa at patuyin sa pamamagitan ng pagdampi ng tisyu sa mga ito.

2. sa isang mangkok, pagsama-samahin ang harina, asin at paminta.

3. ilagay ang mga tokwa sa harina. tiyaking mabalutan ng harina ang bawat tokwa.

4. painitin ang kawali at ilagay ang mantika. prituhin ang mga tokwa at itabi.

5. sa mismong pinag-prituhan ng tokwa ay igisa ang bawang, paminta, at chili flakes.

6. ilagay ang toyo at oyster sauce.

7. ilagay ang suka at pakuluin ng 3 minuto ng hindi hinahalo para maluto ang suka.

8. isunod ang mga tokwa at sibuyas. pakuluin.

9. hanguin at ihapag ng may mainit na kanin!

servings: 2 ulaman

Lunes, Oktubre 15, 2012

Leftover Chicken: CHICKEN TERIYAKI CON BISTEK!

oh well, aaminin ko galit ako sa mga nagtatapon at nag-aaksaya ng pagkain! heller! ang dami kayang nagugutom. kung pupwede nga lang na mayroong tunnel tapos lahat ng mga pagkain na di na maubos e maibigay sa mga nagugutom. hahay. hindi naman sa kuripot ngunit pinapahalagahan ko lang ang bawat sentimo na pinagpaguran ko syempre at liban dun yung lakas paggawa na ibinuhos ng mga manggawa, magsasaka at mangingisda sa produktong ating binili. kumbaga, ako ay maituturing na birador ng mga tirang pagkain. mula sa bahaw na kanin, noodles, gulay at ulam! malaking hamon sa akin na bigyan ko ng panibagong lasa at mukha ang mga ito. 

halimbawa na lamang ng manok... so yung aming kasama sa bahay ay nabili ng lechong manok at ang isa naman at nagprito ng manok. ayun, kinabukasan e wala ng napansin sa mga manok! at syempre napukaw nito ang aking atensyon... animo'y nagsasabing: "masarap at pwede pa kaming kainin", wari ng mga tirang manok! at syempre di ko sila matatangihan!! ano ako? kesa bumili ng panibagong ulam, aba e pagkakataon ko na itong makatipid! di man sa patay-gutom - nagpapahalaga lang, he he he. 

tulad ng pa-ulit-ulit kong binabanggit sa pagluluto ay kinakailangan lamang ng pagiging malikhain at imahinasyon! pasasaan pa at makukuntento din ang sikmura.  

Leftover Chicken: CHICKEN TERIYAKI CON BISTEK!


mga sangkap:

1/4 manok (tira na lamang ito ha... pero ubra din ang bago)
1 pirasong sibuyas
4 na butil ng bawang
gakurot na asin
1 kutsaritang paminta
1 kutsaritang chili flakes
2 kutsarang oyster sauce
2 kutsarang toyo
2 kutsarang suka
1 kutsarang asukal
4 kutsarang mantika

paraan ng pagluluto:

1. himayin ang tirang manok.

2. igisa sa bawang, paminta, chili flakes ang manok.

3. ilagay ang toyo.

4. ilagay ang suka. huwag hahaluin sa puntong ito. hayaan munang maluto ang suka. sa loob ng 3 minuto.

5. ilagay ang oyster sauce at sibuyas.

6. lagyan ng asukal, asin at paminta ayon sa panlasa.

7. hanguin at ihapag ng may mainit na kanin.

servings: 1-2 ulaman.