Linggo, Setyembre 30, 2012

INSTANT SUSTANSYA!

ano nga ba ang karaniwang kinakain ng isang OFW? kadalasan, dapat ay madali itong ihanda (gawa nang pagod na sa maghapong pagkayod) at mura di nga ba? syempre, mauuna na sa listahan ang mga de lata(sardinas, tuna at luncheon meat) at instant noodles! at sa aking pagkamulat sa usaping pangkalusugan, ang mga nabanggit ay wala halos sustansya na dahil dumaan na ito sa pagpoproseso. kaya ang ending, hindi kainaman na isalalay ang kalusugan sa pagkain ng mga ito. ngunit paano nga ba? di nga ba at mas mahal kapag mga "fresh food" ang bibilhin? at di praktikal na i-imbak lalu na sa atin na limitado sa oras at ang kakayanang mamili.

maging sa atin (Pilipinas), ang mga de lata at instant noodles ang nangungunang pagkain na tinatangkilik ng lahat. at ito rin ang nakagawian kong kainin sa mahabang panahon... at dahil nga wala na ang tunay na sustansyang taglay ay kinakailangang bigyan ng buhay ang mga ito sa pamamagitan ng pagdadagdag ng mga gulay.

ang instant chicken noodles halimbawa ay maaaring paunlarin at bigyan ng tunay na sustansya sa pamamagitan ng paglalagay ng itlog at gulay tulad ng kangkong, malunggay o spinach. minsan o sa mas madalas ay dinadamihan ko ang sabaw nito at dagdag na asin, paminta at chili flakes. sa aking sariling praktika na turo ng aking nakasama sa flat dati na si ate fely ay kangkong o spinach ang aming binibida. at infairness, panalo sa lasa at busog ang kumakalam na sikmura!
instant chicken noodles with itlog

instant chicken noodles with itlog at kangkong

instant chicken noodles
with peas, carrots, lettuce & egg
(left over veggie salad ko ang ginamit)

instant chicken noodles with spinach & eggs
tulad ng nabanggit ko nung nakaraan (LANGIT SA KUSINA) na ang aking  numero unong patakaran at sangkap sa pagluluto ay ang "imahinasyon". kaya maging mapangahas sa pagsubok ng iba't-ibang sangkap at sa kalaunan ay matutumbok mo rin ang panalong panlasa syo at sa buong pamilya!

Sabado, Setyembre 29, 2012

budget 101

ating balikan ang pagba-budget. tulad ng nabanggit ko nung nakaraan ay atin itong isa-isip, puso at gawa... kaya ibabahagi ko ang ilang mga pamamaraan sa pagba-budget.

sa pangunahin, kinakailangang tukuyin at mapag-iba natin ang "PANGANGAILANGAN" o needs sa "KAGUSTUHAN" o wants. isa itong malaking hakbang at sangkap sa matagumpay na pagba-budget, syempre batay na rin ito sa sarili kong karanasan at praktika sa araw-araw.

PANGANGAILANGAN: ito ang mayor na paglalaanan ng ating mga pinagpaguran. nangunguna na dyan ang perang ipapadala natin sa ating mga pamilya sa Pilipinas - di nga ba't kaya tayo napunta dito sa ibayong dagat ay dahil sa kanila? at syempre susunod na dyan pangkonsumo at iba pa... maaari na lamang balikan ang nauna akda: ON BUDGET

KAGUSTUHAN: ito ang mga sekondaryo na maaaring pagkagastusan. at kung suswertihing may matitira pa sa unang pinaglaanan ng kaban ng yaman. ang mga halimbawa nito ay mga damit, bags,alahas, sapatos, gadgets, at pagkain sa mga restawran. natural na di naman kalabisan ang pana-panahong ibili at gawaran natin ang mga sarili ng pakunswelo ika nga. ngunit nagiging sekondaryo ito kasi ba naman ay sangtambak na ang mga sapatos mo ay bibili ka pa rin ng bago - at ang madalas na dahilan ay "SALE". totoong nakapanghihinayang isipin na ang isang branded na sapatos ay maaaring mabili sa kalahati ng presyo nito. pero ang tanong, magagamit mo ba ito? samantalang may mga sapatos ka sa iyong tambakan na naghihintay na sila ay iyong masuot. kaya sa usapin ng praktikalidad, may pangangailangan ba itong bilhin? wala hindi ba?

ang mga bag na ito ay hindi ko maituturing na pangangailangan ko
bagkus ay mga "wants" ko ang mga ito
hindi kaya ng aking budget, kaya wag nang ipilit
pangarapin na lang muna, he he he


para sa akin, hindi masama ang pana-panahong paglalaan ng mga ganitong bagay ngunit laging mayroong sukatan... 

bago bilhin, tanungin muna ang sarili: "KAILANGAN KO BA ITO O GUSTO KO ITO?"




Biyernes, Setyembre 28, 2012

bibingkang kanin ala 201a

ako ang isang taong hindi nahumaling sa mga pagkaing matatamis di katulad ng mas nakararami. hindi ako makikipag-awan sa mga tsokolate, kendi, ice cream at mga kakanin. bagkus ay may partikular na lasa akong magugustuhan kung ito ay mamait-mait tulad ng dark chocolate na puro at walang nuts o caramel. o dili kaya ay mocha flavor sa ice cream at mga kahalintulad na pagkaing malamig. sa kakanin naman, mas nais kong mangibabaw ang natural na lasa ng gata, o ube, o mantikilya o ng asukal na medyo sunog ---na may pait ika nga!

at pagdating sa kakanin, ang bibingkang kanin ang patok sa panlasa ko. hindi sa tamis nitong taglay kundi ang "toppings" nito na medyo sunog na may kakaibang linamnam at me pait! winner ika nga! 

hindi ako eksperto sa pagluluto lalu na ng mga kakanin, ngunit mayroon akong lakas ng loob na subukan, ganang ako ay nagnanais na makakain nito. matagal kong isinasalansan sa aking isipan ang mga pamamaraan ng pagluluto nito. maka-ilang daang beses kong paulit-ulit na binabasa ang mga nakalathang mga recipe nito. urong-sulong ako kung iluluto ko nga ba ito. sa aking buwanang pamimili ng aking suplay ay unti-unti kong binibili ang mga sangkap. una kong binili ay ang malagkit na bigas. mahigit isang buwang naghihintay ang malagkit na bigas na ito ay mailuto. hanggang isang huwebes ng gabi dito sa aming abang flat... nagkayayaang magluto nito. nasambit ko na wala akong gata, asukal at iba pang sangkap ngunit sa pagnanais din ng mga ka-flat ko na kumain nito ay namili sila ng mga dagdag na sangkap. kaya wala ng dahilan para hindi mailuto ang pinakaaasam na kakanin ng bayan!

so, wala na talagang atrasan ito. lulutuin ko na talaga ang kakanin! 


BIBINGKANG KANIN ng 201A

BIBINGKANG KANIN ala 201A

mga sangkap:

4 cups malagkit na bigas
2 cups asukal
3 cans gata
1 can condensed milk
1/2 cup butter
1 teaspoon luya na ginayat ng pino
gakurot na asin

pamamaraan:

1. hugasan ang bigas at ilagay ang luya, asin at 3 1/2 cups ng tubig.  at isalang sa rice cooker.

2. sa kawali, pagsama-samahin ang 2 cans ng gata, asukal at ang lutong malagkit. at isalang sa mahinang apoy. tuluy-tuloy na haluin para maiwasang masunog ito.
simula ng pagpapalaki ng braso sa kakahalo nito!
3. kapag halos matutuyo na ay ilagay ang 1/4 cup ng butter sa mixture at lutuin sa loob ng 1-2 minuto. at kapag ang mixture ay sumasama na sa sandok at bumibigat na ay maaari na itong hanguin. samantala, ihanda ang baking pan at lagyan ito ng natitirang 1/4 cup ng butter bago ilagay ang malagkit.
tiyaking "well distributed" 
ang malagkit sa baking pan
4. at ibuhos ang (pinaghalo na) natitirang gata at kondensada. at isalang naman ito sa oven sa mahinang apoy lamang. 
sabi ng mga ka-flat ko 
 ay pawang pigsa daw yan, he he he
5. matapos ang 15-20 minutes ay luto na. palamigin at pwede na itong kainin!
ayon sa mga kumain e, winner daw
at anila, lasang yema ang toppings nito!
kaya, sa uulitin daw :)


Huwebes, Setyembre 27, 2012

on budget

budget.

simpleng kataga na sadyang hamon sa lahat.

hamon lalu na sa mga tao na may di kalakihang sahod na kinakailangang mapagkasya sa isang takdang panahon. ang pagba-budget ay isang katangi-tanging kakayanang kailangang linangin at mahigpit na panghawakan. para sa akin, "survival skill" ito na dapat taglay ng lahat.

sa punto de bista ng isang migranteng manggagawang tulad ko, papaano nga ba ito?

Pagkakahati-hati ng Sahod
ito ay ideyal pa at sa kadalasan ang 80-90% ng sahod ay naipapadala lahat sa Pinas

kung kaya't napakahalaga na makabisa at maisapraktika ang pagba-budget. at sa aking sariling praktika, ang mga pagluluto ng mga pagkain ay laging nasa balangkas ng budget. mula sa pamimili ng rekado o sangkap ay mahigpit itong pinatutupad. halimbawa, kung ang aking putahe ay Sinigang - nararapat na ang sili at gabi ay bilang... tipong sa isang kainan ay mayroon akong isang pirasong sili at dalawang hiwa ng gabi. at syempre bilang din ang hiwa ng baboy o piraso ng hipon. 

Sinigang na Hipon
ito ang budget kada isang ulaman
papaano nga ba ito? makikita sa mga sumusunod na larawan ang pagkakahati-hati ng isang lutuang ulam na Sinigang na Hipon. isa sa sikreto sa pagba-budget ng isang ulam ay paglalagay at pagdadagdag ng mga "extenders" na tinawag tulad ng mga gulay. para higit na maparami ang kada serving nito. liban sa dami ay dagdag na benepisyo pa ito sa usaping pangkalusugan.

para mapadali ang paghahati ng ulam tulad na nasa ibaba... ihiwalay muna ang sabaw sa laman. ang paghahati ay naaayon sa kung ilan ang gusto mo o tulad sa akin ay nakaprograma ako sa 3-4 na ulaman. sapat na ito para sa 2 araw na pagkain ko... ito na ang magsisilbi kong hapunan sa gabing akin itong inihanda at pananghalian ko na rin kinabukasan. at para maiwasan ang pagka-umay at masayang ito ay magluluto ako ng panibagong ulam.

2 pirasong Hipon
2 Gabi, 1 Sili at Kangkong
pati ang Kamatis at
Sibuyas ay nahahati din
Ready na ito para sa isang kain
para sa aking panghalian! :)
Pwede na itong ilagay sa Ref... 
at ready to eat, anytime!
malaking benepisyo sa akin ang ganitong sistema, liban sa nakakatipid na ako sa usaping pang pinansya ay nakakapag save pa din ako ng oras at lakas sa paghahanda. tipong ngayong gabi ay walang lutong gagawin kaya pwedeng pagdating ay kain kaagad at pwedeng gawin ang iba pang bagay tulad ng paglalaba at pagplantsa. o dili kaya ay humilata diretso sa higaan.

budget. 

laging isa isip, puso at gawa, he he he. parang panata di ba? pero nararapat lang naman.

happy weekend sa mga kabayan dito sa gitnang silangan!


Miyerkules, Setyembre 26, 2012

ispageting pababa at pataas! :)

paano nga ba nagsimula ang pagkagiliw at humaling ko sa pagluluto? hmmm....

basta sa pagkakatanda ko noong bata pa ako ay madalas na akong nanonood ng mga cooking show. lagi akong may interes sa kung papaano ito niluto. parang musika at sayaw ang bawat paggayat sa mga rekado. masaya ang pakiramdam at animo'y isang kahon ng mga kendi at sandamakmak na ice cream ang nasa harapan ko. 

sa bahay, nakamulatan namin ay ispageting me sabaw na luto ni Mama. inakala naming ganun talaga ang pagluluto ng ispageti, he he he. hanggang sa magkaroon ng pagkukumpara sa mga ispageting inihahanda sa mga bertdeyan. bagamat, masarap at napaparami naman ang kain namin ng ispageti sa tuwing nagluluto si Mama... parang unti-unti na namin ngayong hinahangad na ihanda ang "tunay" na bersyon ng pagluluto nito. kaya't nung umabot na ko sa high school... at nagkaroon na ng lakas ng loob na makapagsarili sa pagluluto sa kusina ay inu-unti-unti ko na ang pagsapol sa ispageti! mula sa pagluluto ng noodles nito at syempre ang pamatay na sauce!

sa kalaunan ay naitakda na namin ang patok na timpla sa panlasa sa bahay... ang "italian style". kaiba sa nakagisnan at hilig ng lahat na manamis-namis na "pilipino style". mas kiling kami ni Kuya sa maasim-asim na lasa ng ispageti.

kung dati-rati ang ispageti ay nakakain lang namin o mas karaniwan sa ating mga pinoy sa tuwing pasko't - bagong taon o bertdey, ngayon kahit anong panahon ay uubra na ito. nom. nom. nom. at ito ay isang tatak sa aming pamilya... ang pamilyang mahilig at giliw-giliw sa pagkain ng ispageti!


Spaghetti ala Picadillo
(ang sauce na ginamit ko ay tirang ulam na Chicken Picadillo)
kaya ang ispageti ay ang unang putaheng aking natutunan at patuloy na pinagyayaman!


Diwatang Lagalag


langit sa kusina

sa araw-araw, matapos ang halos 10-12 oras na pagtatrabaho sa opisina ang kusina ang siyang naging kaulayaw at kanlungan ko. sa kusina ako ay malayang makakakanta, makapaglabas ng mga positibong saloobin o naisin. ang kusina ay ang aking langit!

sa opisina pa lang ay iniisip ko na kaagad ang aking ihahanda para sa hapunan, almusal at tanghalian ko. malaya kong nagagalugad ang internet para sa mga posibleng putahe na maaaring kong lutuin sa gabing iyon. at sa maraming pagkakataon ang mga sangkap ay nagpag-uubra na lamang. sa madali't sabi ay kung ano ang mayroon ay syang lulutuin. at aking  numero unong patakaran at sangkap sa pagluluto ay ang "imahinasyon". ika nga sa isang commercial; "isipin mo na lang hotdog yan!" at sadyang sakto at angkop na angkop ito sa isang tulad ko na limitado ang kabang yaman para makain ng mga nais ng aking panlasa. 

mga sangkap sa pinakbet

madalas ay nakakantyawan ako dahil puro pagkain ang nasa isip ko.. well, di naman halatang napapabayaan ako sa kusina at nadoble na ang baba at ang mga damit ko ay laging hapit sa katawan. magkagayun pa man at tanging ang pagluluto ang aking naging bisyo sa buhay-ofw ko. at wala rin akong ibang pagkakataong makagala o mag-shopping o dili kaya ay kumain sa labas - syempre dahil na rin sa kakapusan at liit ng sahod na madalas ay isa hanggang dalawang buwang delayed kaya saan ka pa nga ba lulugar? at ang sagot ko dyan ay manatili na lamang sa bahay at magpahinga...

at sa maraming pagkakataon na nasa bahay ay sa kwarto at kusina lang ako tumatambay. syempre pag sa kwarto tiyak nito ay aayain ako ng aking abang higaan na "diwata, halika at mahiga na" at kapag naman sa kusina ay inimong nangungusap ang kalan, mga kaldero at sandok na sila ay pasinayaan. pakiramdam ko tuloy ako si chef boy, arryyyuuuuu!!! yum! yum! yum!

dahil kusina ang langit ko... di ako nangangarap na makabili ng mga bagong gadgets tulad ng iphone, ipad, s3, slr, at marami pang iba bagkus ay mga pepper mill, pressure cooker, kutsilyo at iba pang gamit sa kusina ang aking dalangin na magkaroon. kaya nga bat sa aking facebook ang nagpaparinig na ako sa aking mga friends na kung bibigyan ako ng regalo sa nalalapit kong kaarawan ay di na sila mahihirapang mag-isip pa ng mga bagay na tiyak at super-duper na magugustuhan ko! :)

at kung papalarin, sana manalo ako sa lotto para makabili ng dream kitchen showcase ko, he he he. libre namang mangarap e kaya wish ko lang!

o sya, sa ibang pagkakataon ko na lamang ibabahagi ang mga lutuin ko ha.


Diwatang Lagalag



Martes, Setyembre 25, 2012

ang aking simula

paano nga ba simulan ang isang blog?

bago ang pagsusulat sa akin. ngunit nais kong magkaroon ng pamamaraan na mapawi ang aking pangungulila at labis na kalungkutan dito sa ibayong dagat. marahil ang nais ko ay mayroong mababahaginan ng aking mga saloobin... maging ito ay mga alalahanin, kasiyahan o anu pa man.

sa halos isang taon at siyam na buwang pamamalagi ko dito sa UAE, masasabi kong napanis na ang laway ko at natulog ng bonggang-bongga ang mga taba at sebo sa katawan ko. malayung-malayo ito sa nakagawian ko sa halos isang dekadang pag-kilos ko.

bakit nga ba ako napunta sa lugar na ito? ni sa hinagap ay di ko inaasahan na mararating ko. na ang natatangi at natitiyak ko noon ay magagalugad ko ang mga parang at kabundukan. sadyang walang katiyakan ang mga bagay-bagay. ang pagbabago ay siyang tiyak sa lahat.

ngayon, nais kong maging bahagi ka sa aking paglalakbay at paglalagalag sa buhay... 

tara samahan mo ako.
daan (tunnel) pauwi galing sa trabaho



Diwatang Lagalag