Miyerkules, Setyembre 26, 2012

ispageting pababa at pataas! :)

paano nga ba nagsimula ang pagkagiliw at humaling ko sa pagluluto? hmmm....

basta sa pagkakatanda ko noong bata pa ako ay madalas na akong nanonood ng mga cooking show. lagi akong may interes sa kung papaano ito niluto. parang musika at sayaw ang bawat paggayat sa mga rekado. masaya ang pakiramdam at animo'y isang kahon ng mga kendi at sandamakmak na ice cream ang nasa harapan ko. 

sa bahay, nakamulatan namin ay ispageting me sabaw na luto ni Mama. inakala naming ganun talaga ang pagluluto ng ispageti, he he he. hanggang sa magkaroon ng pagkukumpara sa mga ispageting inihahanda sa mga bertdeyan. bagamat, masarap at napaparami naman ang kain namin ng ispageti sa tuwing nagluluto si Mama... parang unti-unti na namin ngayong hinahangad na ihanda ang "tunay" na bersyon ng pagluluto nito. kaya't nung umabot na ko sa high school... at nagkaroon na ng lakas ng loob na makapagsarili sa pagluluto sa kusina ay inu-unti-unti ko na ang pagsapol sa ispageti! mula sa pagluluto ng noodles nito at syempre ang pamatay na sauce!

sa kalaunan ay naitakda na namin ang patok na timpla sa panlasa sa bahay... ang "italian style". kaiba sa nakagisnan at hilig ng lahat na manamis-namis na "pilipino style". mas kiling kami ni Kuya sa maasim-asim na lasa ng ispageti.

kung dati-rati ang ispageti ay nakakain lang namin o mas karaniwan sa ating mga pinoy sa tuwing pasko't - bagong taon o bertdey, ngayon kahit anong panahon ay uubra na ito. nom. nom. nom. at ito ay isang tatak sa aming pamilya... ang pamilyang mahilig at giliw-giliw sa pagkain ng ispageti!


Spaghetti ala Picadillo
(ang sauce na ginamit ko ay tirang ulam na Chicken Picadillo)
kaya ang ispageti ay ang unang putaheng aking natutunan at patuloy na pinagyayaman!


Diwatang Lagalag