ang putaheng ito ay isa sa mga paborito at inaabangan ko sa tuwing mayroong handaan sa amin. marahil sa krema at linamnam na mayroon ito. sa kadalasan ay pinapapak ko nga lang ito imbes na ulamin. siguro maaari itong ihanay bilang "salad". at isa sa pinag-aagawan dito ay ang mangilang-ngilang piraso ng itlog ng pugo! pero di ko pa rin ma-gets bakit ito naging "sipo egg". ano nga kaya ang ibig sabihin ng sipo? hmmm.... sensya na at hindi ko rin ba alam, oho.
at dahil lagi akong mayroong frozen peas, tirang maling o luncheon meat, tirang burger patty galing kay Tage (ka-flatmate ko) at kernel corn... aba-aba, posibleng magpagluto ako nito. ika nga kung anong mayroon ako eh yun ang pagsasamahin kong iluto. tutal di naman magrereklamo siguro ang mga alaga ko, he he he. dadagdag na lamang ako ng iilang kinakailangang sangkap para sa putaheng ito.
Sipo (with out) Egg
mga sangkap
1/4 kilong peas
2 pirasong carrots
1 latang corn kernel
1/2 latang maling o luncheon meat (tira ko lang ang ginamit ko dito)
1 pirasong burger pattie
1 pirasong sibuyas
4 butil ng bawang
1 maliit na lata ng cream
gakurot na asin
gakurot na paminta
1/4 tasang mantika
6 pirasong nilagang itlog ng pugo
paraan ng pagluluto
1. iprito muna ang luncheon meat at burger pattie. hanguin at itabi.
2. sa mismong pinagprituhan ng luncheon meat ay igisa ang bawang at sibuyas.
3. isunod na ilagay ang mga gulay - peas, carrots at corn kernel. lutuin sa loob ng 2 minuto.
4. ibuhos at haluin ang cream, asin at pamina.pakuluin sa loob ng 5 minuto.
5. kapag halos wala ng sabaw ay hanguin at ihain ng kasamang mainit na kanin.
nota: ang nilagang itlog ng pugo ay maaaring idagdag sa huli kung mayroon.
paghahain: 3 ulaman
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento