Biyernes, Oktubre 5, 2012

choco polovoron ni mommy kat

mula pa sa pagkabata at di ako nahumaling sa mga matatamis na pagkain... at magpahanggang ngayon ay bihira kong hanapin ang ganitong mga pagkain. pana-panahon lamang kung sakaling hanapin ang panlasang ito. gusto ko yung sakto lang. yung tipong hindi ka kikilabutan sa sobrang katamisan na animo'y literal mong kinain ay asukal o dili kaya ay nilagok mo ng bongga ang isang basong arnibal. ang sa akin ay dapat mas nangingibabaw ang linam-linam ng pangunahing sangkap. halimbawa sa tsokolate, hindi ang tamis ang nais ko kundi yung lasa mismo ng kakaw... mamait-mait! yun ang tsokolate! kaya kung bibigyan ako ng tsokolate e pwede bang yung "plain dark chocolate" ha. :)

at sa aming flat naman, kabaliktaran ko si "mommy" kat. mommy kasi magkaka-baby na siya at excited na kaming lahat. sobrang "adik" ika nga sya sa kahit anong matatamis na pagkain. madalas makikitaan mo siyang me hawak na tsokolate, ice cream, cake at iba pa. animo'y batang ubod ng ligaya sa bawat subo nya. nakakatuwang pag masdan at mahahawa ka sa saya. kaya naman sa tuwing hihirit at maglalambing na magluto ng mga kakanin at mga minatamis ay hindi ko sya mapa-hindian. at ang polvoron ay isa sa mga inihirit nya sa akin.

binigyan natin ng kakaibang twist ang polvoron ngayon ganang, si mommy kat ay "fan" ng tsokolate. ito aming inihanda para sa kanyang baby shower bukas. ay ibabahagi ko sa mga susunod na araw ang ilan pang mga putahe na ihahanda namin sa nasabing kasiyahan.

CHOCO-POLVORON 
Choco Polvoron

sangkap:
4 cups Flour
2 cups Powdered Milk
2 cups Asukal
1 cup Milo / Ovaltine
1 1/2 cup Butter

Chocolate coating:
2 bars Milk / Dark Chocokate
Sprinkles

Balot:
Papel de Hapo
Cup cake paper

pamamaraan:
1. sa kawali ay isangag ang harina hanggang sa maluto ang mag-iba ang kulay. tiyaking tuluy-tuloy ang paghalo sa harina para maiwasang masunog ito. 

2. kapag naisangag na ang harina ay maaari na itong hanguin at palamigin.

3. sa sinangag na harina ay ihalo ang gatas.

4. ihalo ang Milo / Ovaltine.

5. ilagay ang asukal. tiyaking mahalong mabuti ang lahat ng sangkap.

6. kapag nahalo na ang lahat ng mga dry o powedered ingridients ay maaari nang ihalo ang butter. dapat ang butter ay napalambot na para madali itong maihalo sa mga sangkap.
Butter - ito ang magsisilbing binder ng polvoron.

7. maaari ng i-hulma ang mixture at ibalot. ngunit dahil espesyal ang polovoron na ito ang i-ko-coat natin ito sa tinunaw na tsokolate.

8. ilagay ang mga nahulmang polovoron sa loob ng ref para mag-set o patigasin sa loob ng 20-30 minuto.
nahulmang Polvoron

9. samantala, magpakulo ng tubig sa maliit na kaserola. ang hakbang na gagawin para dito ay tinatawag na double boiler technique (i-click ito)

10. sa tinunaw na tsokolate ay maaari nang isa-isang itubog ang mga nahulmang polvoron at ilatag sa wax paper para patigasin ito. maaaring budburan ng mga sprinkles ang ibabaw nito at palamigin.

Order na!

Plain Polvoron




2 komento: