kapag tinamad, pagod o kinapos ako sa oras para magluto sa gabi pagkagaling sa trabaho, isa lang matatakbuhan ko para masolusyunan aking hapunan at babaunin kinabukasan - ito ang pagtawag sa cafeteria. dito sa UAE, nakatutuwa kasi kahit anong halaga ng bibilhin mo mula sa supermarket o cafeteria e mayroon silang serbisyong home delivery. napakakumbinyente! di mo na kailangang mag-exert ng lakas para lamang bumili ng isang pirasong sabon, dalawang tali ng kangkong, itlog, load at lutong pagkain! walang sinabi ang mga home delivery ng mga fastfood tulad ng mcdo, shakeys at kfc na mayroong nakatakdang halaga para mapasiyaan ang iyong kagustuhang magpa-deliver.
at tulad ng nabanggit ko, pagkinailangan ko ng makakain e da-dial na lamang ako sa telepono. FRIED RICE ang karaniwang inoorder ko, minsan sinasamahan ko ng shawarma pag pakiramdam ko ay me hawak ng plakards at streamers ang mga bulate sa tyan ko, he he he. at hindi simpleng fried rice ito kasi maaari na rin itong maihalintulad sa Yang Chow ng Chowking, panalo! mayroon na itong karne (manok o/at hipon), itlog at gulay kaya isang kumpletong meal na itong maituturing. kaya naman dahil sa isang kumpletong meal na ang fried rice eh ito ang madalas kong ihanda.
at nakatitiyak akong aangkop din ito sa lahat ng mga busy at on-the-go na taong tulad ko. di kinakailangang maging eksperto sa pagluluto nito at di rin kinakailangan ng mga kumplikadong sangkap. kaya pasok na pasok ito sa ating budget!
FRIED RICE ala Diwata
sangkap:
kaning lamig o bahaw
carrots (ginayat sa maliliit na cubes)
peas
string beans (ginayat na kasing lapad ng peas)
hotdog (ginayat)
itlog
asin
paminta
butter o mantika
pamamaraan:
1. sa mainit na kawali ay na may konting mantika o butter ay lutuin muna ang itlog (scrambled) at hanguin, gayatin ayun sa nais na laki at itabi.
2. lagyan muli ng mantika o butter ang kawali at lutuin ang carrots, peas, string beans at hotdog sa loob ng 5 minuto. lagyan ng gakurot na asin at paminta ito, matapos na mahalo ito ay hanguin at itabi.
3. maaari ng ilagay ang kaning lamig sa mismong kawaling pinaglutuan ng gulay at isangag sa loob ng 5-8 minuto. matapos ay ihalo na ang gulay at itlog. maaaring magdagdag ng asin at paminta ayun sa iyong panlasa.
3. hanguin at pwedeng nang kainin! nom. nom. nom.
FRIED RICE ala Diwata 1 luncheon meat, peas, carrots at itlog |
FRIED RICE ala Diwata 2 hotdog, peas, at itlog |
FRIED RICE ala Diwata 3 peas at onion leeks |
FRIED RICE ala Diwata 4 luncheon meat, hotdog, carrots at itlog |
*sa kadalasan, nasa PAGTANTYA lang ang dami ng sangkap na ilalagay o isasama sa lutuin kasi depende na rin ito sa kung ano ang mayroon.at hindi pahuhuli ang mga natira nating mga ulam o pagkain ay maaaring bigyan ng panibagong buhay at lasa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento