halos wala na akong imbak sa bahay... mayroon pa namang karne ata ng baboy pero parang wala ako sa kundisyon na ito ay lutuin. gusto ko sana ng manok so hayun mula sa trabaho diresto sa bilihan. at pagdating ko dun e nag-iba bigla ang trip ko. napukaw ng mga pusit ang aking pansin. okay, pusit na lang ang lulutuin ko ngayong gabi.
pagdating sa bahay, bisi-bisihan na ang byuti ko. hala, sige linisin na ang mga pusit. sa paglilinis ko nito ay itinatabi ko ang ilang "tinta", siguro mga tatlong piraso yun. ayaw ko kasing sobrang itim ng sarsa kung sakali kaya kumuha lang ako ng sapat para magkaroon ng kulay ito. at dahil gusto ko ng may gulay hanggat maaari ang aking mga kakainin ay hinarbat ko ang nag-iisang carrot na nasa ref namin. mula sa simpleng adobong pusit ay medyo naging susyal ng konti ang dating. at ang oyster sauce ay laging naka-antabay sa anumang aking lutuin... ito ang isa sa mga "bespren" ko sa kusina!
luto na!
Spicy Squid with Carrots in Oyster Sauce
mga sangkap
1/2 kilong pusit
1 pirasong carrot
2 pirasong kamatis
4 butil ng bawang
1 pirasong sibuyas
1 pirasong luya (mga 1-2 inches)
3 pirasong siling haba
3 kutsarang oyster sauce
1 kutsarang suka
4 kutsarang mantika
asin at paminta ayon sa panlasa
paraan ng pagluluto
1. igisa ang luya, bawang, sibuyas at sili.
2. kapag halos amoy mo na ang aroma ng mga naunang sangkap ay isunod ang kamatis.
3. ilagay ang tinta ng pusit at lutuin sa loob ng 1-2 minuto.
4. isunod na ilagay ang pusit at oyster sauce.
5. pagkatapos ng 3 minuto at ilagay ang suka pero huwag hahaluin. hayaan lamang ito sa loob 3-5 minuto.
6. ilagay ang carrots at lutuin sa loob ng 2 minuto.
7. maaari ng timplahan ng asin at paminta ayon sa panlasa. hanguin.
serving: 2-3 ulaman
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento