bihira akong kumain ng puru-purong karne lalu na kung baboy, sa kadalas ang karne ay sahog o lahok lamang sa pangunahing ulam na aking niluluto. mas gusto ko kasi ang gulay at higit itong nakakatulong sa aking pumapalyang panunaw. ngunit hinahanap-hanap ko din ang lasa ng karne kaya pana-panahon akong nagluluto nito. tulad ng aking Binagoongang Baboy ngayon, hindi ito ang pangunahing ulam ko pero ito ay magsisilbing sawsawan o partner ng aking gulay.
Binagoongang Baboy
Binagoongang Baboy at Kangkong |
Binagoongang Baboy at Talong |
Mga Sangkap
1/4 kilong Baboy (liempo)
1 garapon ng Bagoong Alamang
10 pirasong Siling Haba
4 na butil ng Bawang
1 pirasong Sibuyas
1 lata ng Gata
1 kutsarang Suka
1 kutsarang Asukal
Paraan ng Pagluluto
1. sa kawali, ilagay ang baboy at pakuluan hanggang sa lumambot ang karne. hayaang maubos o matuyo ang tubig at lumabas ang sariling mantika ng baboy.
2. kapag sapat na naprito ang karne, hanguin at itabi.
3. sa mismong kawali na pinagprituhan ng karne ay igisa ang bawang, sibuyas at sili sa loob ng 3 minuto o hanggang sa lumabas ang aroma ng mga ito.
4. muling ibalik ang karne at igisa loob ng 2 minuto.
5. ilagay ang bagoong at lutuin sa loob ng 5 minuto.
6. ilagay ang asukal.
7. ilagay ang suka. huwag hahaluin sa loob ng 2-3 minuto para di mahilaw ang suka.
8. ibuhos ang gata at lutuin hanggang sa halos matuyo ito.
9. hanguin. ihain ng may kasamang gulay at mainit na kanin!
Ulaman: 2-3 platito
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento