Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ofw. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na ofw. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Mayo 29, 2016

PAGLALAKBAY

Mahigit limang taon na ang lumipas ng aking tahakin ang buhay ng isang migranteng Pilipino o mas kilala sa bansag na "Bagong Bayani" daw. Sa limang taon, natutong mamuhay ng mag-isa at malayo sa mahal sa buhay. Na ang tanging gawi sa araw-araw ay Bahay-Trabaho-Bahay. Ngunit syempre sa kalagitnaan ng pag-angkop ay nagkaroon ng mga iba pang pinagka-aabalahan tulad ng pag-gym, takbo, swimming at sagwan. Nasanay na manirahan sa masisikip na tahanan na animo'y sardinas kayong nagsisikan sa bahay. Sa iyong mumunting espasyo ay naroon ang iyong kabuan - ihihiga ang pagal na katawan sa maliit na kama at mag-iipon ng panibagong lakas para sa kinabukasan. Liban sa istorya na yan mas nais kong bigyang diin ang mismong paglalakbay  sa iba't-ibang lugar. 

Ang mga larawan sa ibaba ay nagbabahagi ng aking mga di malilimutang karanasan sa bawat lugar na napuntahan. At sana sa hinaharap ay mas marami pa akong mapuntahan at magkaroon pa ng maraming alaala na huhubog sa aking katauhan.

DUBAI, UAE

Standard Chartered Bank: Dubai Marathon 2015 Finisher

On my way to the finish line... 42 kilometers.


KISH, IRAN
Exit sa Kish, Iran. January 2011

DOHA, QATAR
with Buboy at Corniche, Doha, Qatar 2013.



DIBBA, OMAN
Salomon Wadi Bih - Team Relay 72km 2015

Salomon Wadi Bih - Team Relay 72km 2016



TBILISI, GEORGIA
Unang biyahe naming magkakaibigan sa Georgia. October 2015


Georgia. October 2015


"Sa aking paglalakbay kay raming natutunan, pagpunta sa kabundukan ay katatagan ang kailangan. May layunin bawat paglalakbay..." -mula sa isang progresibong awitin na Paglalakbay.

Martes, Oktubre 30, 2012

Pasasalamat

ang Oktubre ay isang espesyal na buwan para sa akin... ito ay isang hudyat na madadagdagan na naman ng isang bilang ang aking edad. noon, bago ako ng 18 ay laging pinanabikan ang pagsapit ng kaarawan at nagmamadaling umabot sa wastong edad. pero ngayon parang madalas ay ayaw na at hahay tumatanda na nga pala talaga ko. at sa tuwing kaarawan ko bibiharang mag-abala para sa isang salu-salo.

at sa pagkakataong ito, aking napagpasyahang tipunin ang aking mga kaibigan upang ako ay kanilang samahan sa espesyal na araw. sadyang nakakatuwa at nakakataba ng puso na makita silang nasisiyahan sa bawat pagsubo at pagnguya ng mga putaheng aking inihanda para lamang sa kanila. ang resulta ay sulit ang effort!

HAPPY TUMMY!

ang aking nakayan...
Pansit, Bangus Cake, Pasta at Bibingkang Kanin


ang aking mga panauhin




narito ang aking pasasalamat:


una sa lahat nais kong magpasalamat sa KANYA.
ikalawa, sa aking mahal na MAMA at Pamilya na syang aking naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon.
ikatlo, sa lahat ng aking mga KAIBIGAN - noon at ngayon (sensya na di ko na kayo iniisa-isa at kakapusin ang espasyong ito sa dami nyo).
ikaapat, sa aking Inspirasyon 
panghuli, sa lahat na nakaalala at nakalimot.

well, hihintayin ko na lang din ang mga regalo nyo at madali naman akong kausap at kaya kong maghintay. :P

he he he... drama-dramahan ang epektus lang. 

MARAMING-MARAMING SALAMAT SA LAHAT NG BUMATI, PATULOY NA BUMABATI AT BABATI AT SA WALANG PLANONG BUMATI!

hahay, damatans na ang byuti ko!!!
siyang tunay na MALIGAYA ang abang KAARAWAN!




Sabado, Oktubre 27, 2012

recap

halos isang buwan na ang lumipas ng simulan ko ang tambayan na ito. nagsimula sa pangungulila at pagkaburyong sa pakikipagsapalaran dito sa ibayong-dagat. at ang isa naging kanlungan ko ay ang kusina, dito ko inaral at inaaral ang mga putaheng naglalaro sa aking isipan. mga putaheng mayroong kaugnayan sa aking nakaraan at hinarap.
ang aking simula

langit sa kusina

halimbawa na lamang ang ispageti na tatak ng aming pamilya na walang kasawa-sawa sa pagkain nito. ang ebolusyon ng pagkahumaling sa ganito...

ispageting pababa at pataas! :)

Baked Tomato in Olive Oil Pasta 

with Peas, Carrots & Feta Cheese.

mga pagkaing nakapagpapaalala ng aking nakaraan

Lumpiang Sariwa 

ala Diwatang Lagalag

Sipo (with out) Egg

syempre malaking bahagi ng buhay OFW ay ang pagba-budget ng mga bagay-bagay.

on budget

budget 101

at ang pagnanais magkaroon ng sapat na sustansya sa mga tinatawag na "processed food".

INSTANT SUSTANSYA!

tuna & peas in oyster sauce

nakatutuwa na ang ilang kaibigan ay buong lugod na napa-unlakan ang paanyayang makipagbahaginan.

Ate Lei's Chicken Macaroni Soup

Sweet and Sour Pork ni Kristine
mga bagong kaibigan

mommy kat's baby shower

ang hamong pag-iba-ibahin ang atake sa walang kakupas-kupas at karaniwang pagkain ng manok dito sa gitnang silangan.

chicken 101: adobo express

mga pinangngahasang lutuin.

bibingkang kanin ala 201a

mga karaniwang pagkaing binigyan ng ibang atake

FRIED RICE ala Diwata


at syempre, iilan pa lamang ang mga ito at umaasa akong yayabong at hahaba pa ang listahan natin. muli, maraming salamat sa inyong pagbisita sa ating abang tambayan.

gawin nating bahagi na ng ating gawi ang pagbisita dito. asahan ko kayo sa tuwina!

HAPPY EATING!
HAPPY TUMMY!




Linggo, Oktubre 14, 2012

Sweet and Sour Pork ni Kristine

ako ay nagagalak at walang pag-iimbot na pina-uunlakan ng aking mga mahal na kaibigan ang abang paanyaya na sila man ay maging bahagi sa ating tambayan. layun nating magbahaginan ng mga pang-araw-araw na karanasan sa larangan ng pagluluto (o sa kung anumang pwedeng pag-usapan). ang pangunahin dito ay kung ano ang ligayang maibibigay nito di lamang sa kumakalam na sikmura kundi ang magbigay ng ngiti sa mga labi ng mga minamahal sa buhay.

kaya huwag na nating patagalin pa... mula sa "down under" - bigyan natin ng sabay-sabay na sampung bagsak (palakpak po iyon sa di pamilyar)... pak. pak. pak. pak. pwedeng apat na lang napagod na ko sa pag type. teka pasensya na at ayaw humarap sa kamera e... lingon ka naman dito. o sha ubra na yan. mga kaibigan, si kristine! 

"ako si Kristine Kaspy taga-Australia. Ako ay nagtatrabaho bilang nars o RN sa isang clinic dito sa Perth. Isang taon mahigit na akong naninirahan dito kasama ng aking asawa. Ang putahe na ibabahagi ko ay Sweet and Sour Pork. Mahilig kaming magluto ng asawa ko at madalas ako ang nagluluto ng mga putahe na kailangan ng kanin. Madalas naman siya ang niluluto niya ay mga pasta.  Sana ay magustuhan niyo."


Sweet and Sour Pork ni Kristine


mga sangkap:

1/2 tasa ng cornflour
1/3 tasa ng harina
1 kutsaritang asin
2 pirasong itlog
2 kutsarang tubig
1/2 kilong baboy - laman
mantika

sarsa:
1 kutasarang peanut oil
1 pirasong bell pepper o capsicum
1 pirasong carrot
1 buong buko ng bawang
1/2 tasang asukal
1/2 tasang suka
1 kutsarang toyo
2 kutsarang harina o corn flour
425g can pineapple pieces in natural juices, drained

paraan ng pagluluto:

1. pagsamahin ang cornflour, harina, asin, itlog at tubig para maging "batter". 

2. ihalo ang baboy sa batter. tiyaking kumapit ang batter sa karne.

3. i-prito ng nakalubog sa mantika ang karne. itabi.

4. para sa sarsa naman, painitin ang mantika sa kaserola. 

5. igisa ang bawang, carrots at capsicum sa loob ng 3 minuto.

6. samantala, paghaluin ang asukal, suka, toyo at tubig sa maliit na mangkok. kanawin at tunawin ang asukal. at idagdag ang harina at tubig. haluin hanggang sa matunaw ang harina. (mixture)

7. ibuhos ang mixture sa kaserola. haluin at pakuluin sa loob ng 2 minuto.

8. isunod na ilagay ang pinya at ang piniritong karne. pakuluin ng 2 minuto.

9. hanguin at i-serve ng may mainit na kanin! 

serving: 3-4 ulaman


Martes, Oktubre 2, 2012

Ate Lei's Chicken Macaroni Soup

nang simulan kong magsulat o mag-blog, sa totoo lang ay wala akong tiyak na pokus para dito. nagkataong kinakailangan ko ng "outlet" para sa aking pagka-homesick at dahil sa halos araw-araw o 24/7 ay nasa harapan ko ang computer with internet connection kaya napukaw ang abang atensyon na... "bakit di ko subukang magsulat?". at, KA-BOOM! niluwal ang sidiwatanglagalag.blogspot.com! woooot! woooot! (pumupusong palakpalakan naman dyan?).

wala akong pormal na kasanayan sa pagsusulat ngunit giliw na giliw akong makipagbahaginan. at syempre nararapat lang na di laging ako ang bida sa tambayang ito (naghahanap ng makakaramay) - kaya naman nag-aya ako ng ilang mga kaibigan na magbahagi din ng kanilang buhay na karanasan bilang isang OFW. 

at ang tema ng aking paanyaya:

"magbahagi ng mga recipe na budget meals ayon sa kakayanan at buhay ng isang OFW."

at walang ka-abog-abog at walang kakakurap-kurap ay may tumugon sa ating paanyaya! isang daang libong beses na palakpakan sa ating panauhin! at syempre di ko na patatagalin pa...

mga kaibigan, si Ate Lei. 

narito ang kanyang pagbabahagi: 

"Lei po ang inyong abang lingkod. 
Naninilbihan po bilang kasambahay 
dito sa bansang UAE ng  may 3 taon na.


May 3 mga anak na nasa kolehiyo. 

Ang hirap mag-isip ng iluluto kung maliit lang ang budget. 
Lalo na kung nasa ibang bansa. 
Kadalasan ang hinahanap mong pagkain sariling atin.
Meron bang mga sahog dito? 
Kung wala...
Substitute!...

Ang pamilyang pinagsisilbihan ko ay mga British.
Vegetarian pa ang mga employers ko. 
Personal Trainor pa ang isa. 
Ang madalas iluto at kainin ng lahat ay manok...;-) 
Grilled, ang kinukuha lang nya ay pitso...laman lang.
Ang iba tinatapon nya. :(
Dati yun! :)
i-recycle natin si manok!"

Chicken Macaroni Soup


sangkap:

tirang manok
bawang (.50 fils)
sibuyas (.75 fils)
macaroni elbow (4.50 dhs)
1 pirasong carrot 
maliit na repolyo
maliit na lata ng evaporated milk
asin o patis
paminta

pamamaraan:
1. igisa ang bawang, sibuyas at manok. lagyan ng asin o patis at paminta.

2. kapag nagisa na ay ilagay na ang macaroni at ng tubig at pakuluan sa loob ng 10 minutes o hanggang sa maluto ito.


3. pagkakulo ay ilagay ang gatas at ang mga gulay. pakuluan sa loob ng 3-5 minuto. at lagyan ng asin at paminta kung kinakailangan o ayon sa panlasa.


4. pwede na ito hanguin at ihain sa pamilya!



Chicken Macaroni Soup ni Ate Lei
(ang larawan na ito ay kuha mismo ni Ate Lei)

Note:
ang asin at paminta ay akin na lamang idinagdag sa sangkap at ipinagbabawal sa bahay ng amo ni Ate Lei ang paggamit ng mga ito. dahil ayon sa mga ito na: "ang asin daw ay nagreretain ng water sa katawan natin. kaya meron tayong mga unwanted fats. bukod pa sa mga foods na kinakain with too much carbo and fats." hahay, unwanted fats daw! ang dami ko kaya nito... sakto at sapul ako dun e.

Maraming-maraming salamat sa pagbabahagi ni Ate Lei at sana sa susunod ay matikman ko yang luto mo! 















Lunes, Oktubre 1, 2012

FRIED RICE ala Diwata

kapag tinamad, pagod o kinapos ako sa oras para magluto sa gabi pagkagaling sa trabaho, isa lang matatakbuhan ko para masolusyunan aking hapunan at babaunin kinabukasan - ito ang pagtawag sa cafeteria. dito sa UAE, nakatutuwa kasi kahit anong halaga ng bibilhin mo mula sa supermarket o cafeteria e mayroon silang serbisyong home delivery. napakakumbinyente! di mo na kailangang mag-exert ng lakas para lamang bumili ng isang pirasong sabon, dalawang tali ng kangkong, itlog, load at lutong pagkain! walang sinabi ang mga home delivery ng mga fastfood tulad ng mcdo, shakeys at kfc na mayroong nakatakdang halaga para mapasiyaan ang iyong kagustuhang magpa-deliver. 

at tulad ng nabanggit ko, pagkinailangan ko ng makakain e da-dial na lamang ako sa telepono. FRIED RICE ang karaniwang inoorder ko, minsan sinasamahan ko ng shawarma pag pakiramdam ko ay me hawak ng plakards at streamers ang mga bulate sa tyan ko, he he he. at hindi simpleng fried rice ito kasi maaari na rin itong maihalintulad sa Yang Chow ng Chowking, panalo! mayroon na itong karne (manok o/at hipon), itlog at gulay kaya isang kumpletong meal na itong maituturing. kaya naman dahil sa isang kumpletong meal na ang fried rice eh ito ang madalas kong ihanda. 

at nakatitiyak akong aangkop din ito sa lahat ng mga busy at on-the-go na taong tulad ko. di kinakailangang maging eksperto sa pagluluto nito at di rin kinakailangan ng mga kumplikadong sangkap. kaya pasok na pasok ito sa ating budget!

FRIED RICE ala Diwata

sangkap:
kaning lamig o bahaw
carrots (ginayat sa maliliit na cubes)
peas
string beans (ginayat na kasing lapad ng peas)
hotdog (ginayat)
itlog
asin 
paminta
butter o mantika

pamamaraan:
1. sa mainit na kawali ay na may konting mantika o butter ay lutuin muna ang itlog (scrambled) at hanguin, gayatin ayun sa nais na laki at itabi.

2. lagyan muli ng mantika o butter ang kawali at lutuin ang carrots, peas, string beans at hotdog sa loob ng 5 minuto. lagyan ng gakurot na asin at paminta ito, matapos na mahalo ito ay hanguin at itabi.

3. maaari ng ilagay ang kaning lamig sa mismong kawaling pinaglutuan ng gulay at isangag sa loob ng 5-8 minuto. matapos ay ihalo na ang gulay at itlog. maaaring magdagdag ng asin at paminta ayun sa iyong panlasa.

3. hanguin at pwedeng nang kainin! nom. nom. nom.

FRIED RICE ala Diwata 1
luncheon meat, peas, carrots at itlog

FRIED RICE ala Diwata 2
hotdog, peas, at itlog

FRIED RICE ala Diwata 3
peas at onion leeks

FRIED RICE ala Diwata 4
luncheon meat, hotdog, carrots at itlog

*sa kadalasan, nasa PAGTANTYA lang ang dami  ng sangkap na ilalagay o isasama sa lutuin kasi depende na rin ito sa kung ano ang mayroon.at hindi pahuhuli ang mga natira nating mga ulam o pagkain ay maaaring bigyan ng panibagong buhay at lasa!