Biyernes, Disyembre 27, 2013

Spanish Style Bangus-Sardines


Matapos ang sunud-sunod na kainan  at lalo't higit ay puro karne ang pinagpyestahan ay marapat lamang pagpahingahin ang ating mga panunaw. At ang isang alternatibo ay ang isda. Bagamat hindi ako panatiko sa pagkain ng isda at lalo't higit ang pagkain ng bangus. Na di naman lingid sa karamihan na ang klaseng ng isdang ito ay namumutakti sa dami ng tinik! Hahay!

Kung kaya't salamat sa pagkaka-imbento ng pressure cooker at ang aking suliranin ay nabigyan ng kaliwagan. At kung ating babalikan ang nauna kong mga putaheng bangus tulad ng paksiw na bangus at bangus cake ay no worries na sa mga tinik!

Kaya ano pa nga, kundi...

HAPPY TUMMY!


Spanish Style Bangus-Sardines

Mga Sangkap

4 piraso ng Bangus (katamtamang laki)
3 piraso ng Carrots (hiwain ng pabilog)
3 piraso ng Kamatis (hatiin/hiwain sa apat)
1 maliit na bote ng Pickles
10 piraso ng Siling Haba
6 piraso ng Dahon ng Laurel
2 kutsara ng Pamintang Buo
1 litro ng Olive Oil
Asin

Paraan ng Pagluluto

1. Linising mabuti ang isda. Hatiin sa nais na bilang. Ibabad sa tubig na may asin (brine solution) sa loob ng 30 minuto.

2. I-salansan sa Pressure cooker ang lahat ng sangkap. Unang ilagay ang isda at ilagay ang iba pang sangkap.

3. I-salang sa apoy at hayaang maluto sa loob ng isang-dalawag oras mula sa unang pagsipol ng pressure cooker. Tikayain na sa unang pagsipol ay hinaan ang apoy.

4. Matapos ang isang oras at maaari na itong hanguin. Palamigin.

5. Maaari na itong ihain kasama ang mainit na kanin.


Martes, Nobyembre 19, 2013

Macaroni, Peas, Onion, Tuna in Mayonaise Salad with Cucumber slices

Ang pag-iimbak ng pasta sa aking pantry ay isang malaking tsek sa tuwing ako ay magpapaktura. Kasi nga naman ay maraming bagay o putahe kang mailuluto gamit ang pasta tulad ng macaroni. Ika nga sa terminong ingles, versatile.

Liban sa magiliw ako sa pasta, ay sadyang kasundo ko talaga ito sa kusina. Pwede sya sa kahit anung lebel ika nga - pang-ulam, pang-miryenda o pang-higas man. At dahil taga-tangkilik din naman ako ng gulay at prutas, pagsisikapan ko na sa bawat lutuin ay lagi itong bumibida o umeekstra. Basta ang punto ay dapat kasama lagi ito sa casting ika nga. Kaya sa pagkakataong ito ang bida ang macaroni, samantalang ang green peas at pipino naman ang mga support sa recipe natin. Magsisilbi itong alternatibo sa nakagawian nating macaroni salad at nawa'y inyong masubukan at pumasa sa inyong mga panlasa!

O sya, wag na tayong magpatumpik-tumpik pa at lamnan ang mga kumakalam na sikmura.

HAPPY TUMMY!


Macaroni, Peas, Onion, Tuna in Mayonaise Salad with Cucumber slices

Mga Sangkap

1/4 kilo ng Macaroni
1 tasang peas
1 pirasong Sibuyas
1 delatang Tuna in oil/water
3 tasang Mayonaise
Asin
Paminta
2 pirasong Cucumber

Paraan

1. Lutuin ang macaroni ayon sa instruction sa pakete nito.

2. Kapag malapit ng maluto ang macaroni, siguro ay mga 2-3 minuto bago maluto ay ibuhos ang peas dito. Salain at itabi kasama ng maracori. Palamigin.

3. Habang pinapalamig ang macaroni at peas, ihanda naman mayo-tuna mix. Pagsamahin ang mayonaise at tuna (tiyaking sinala at di na kasama at oil o brine na pinagbabaran nito).

4. Gayating ng pino ang sibuyas. Itabi.

5. Ang pipino o cucumber naman ay maaaring hiwain ng pahaba o cubes depende sa nais. Itabi.

6. Kapag malamig na ang macaroni, maaari nang pagsama-samahin ang lahat ng rekado.

7. Timplahan ng asin at paminta ayon sa panlasa.

8. Haluing mabuti. Itabi at palamigin sa ref. O maaari na ring ihain pagkatapos.




Linggo, Oktubre 27, 2013

Sarciadong Hasa-Hasa

Isa sa naging obserbasyon ko mula nung mapadpad ako dito UAE, kalakhan ng mga kabayan ay mayroong allergic reaction sa pagkain ng manok. Sa unang dalawang taon ko dito ay di naman ako tinablan ika nga ng sinasabi nilang allergic reaction sa pagkain ng manok. Ngunit nitong mga nagdaang buwan, mula nung nagkasunud-sunod ang kain ko ng manok mula sa mga arabic resto ay dun na nagsimulang magpamalas ng kapangyarihan ang manok sa akin. Uu, tinablan din ang Diwata. Marahil ay di na sapat ang aking kapangyarihan dito sa lupa. Bwahahahaha! Etchos!

At dahil na nga humina na ang aking Wei Qi o ang pang depensa ko laban sa manok, napagpasyahan kong lumiban sa pagluluto at pagkain ng manok. Bagamat malaking kalungkutan ito kasi gusto ko pa man ding magluto ng chicken curry, chicken adobo, chicken sisig  at chicken in peanut butter. So move over muna manokis! At say hello sa isda - HASA-HASA!

HAPPY TUMMY!


Sarciadong Hasa-Hasa

Mga Sangkap

1/4 kilong Hasa-Hasa
2 pirasong Kamatis
1 pirasong Itlog
1 pirasong Sibuyas
4 na butil ng Bawang
1/2 tasa ng Mantika
2 kutsara ng Tausi
1/2 tasa ng Tubig

Paraan

1. Iprito muna ang Hasa-Hasa at itabi.

2. Igisa ang bawang, sibuyas at kamatis.

3. Ilagay ang tausi at itlog. Haluin.

4. Ibuhos ang tubig. Pakuluin.

5. Ilagay ang piniritong Hasa-hasa at pakuluin.

6. Kapag nasipsip na ng isda ang sarsa sa loob ng 3 minuto ay maaari ng hanguin at ihain ng may mainit na kanin.

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Adobong Sitaw with Beef Brisket-Kuno Sauce

Malapit na namang matapos ang buwan ng Oktubre at nalalapit na ring magpalit ng taon. Sadyang napakabilis ng mga araw at nung nakaraang taon ay di magkanda-ugaga ang mga kaibigan ko sa pagbasa ng aking mga sulatin. Naks! Feeling naman ako na binabasa nga nila, ha ha ha. Bagamat nalalaan kong iilan lamang sila ay nakakatuwang malaman na nagkakaroon sila ng panahon na bumista sa ating tambayan. Maraming salamat!

O sha tama na ang pag-eemote at kailangan na nating magbahaginan at makipag-aralan sa kusina! Ang pangunahin o dili kaya ang pinaka-sikretong sangkap nitong putahe ngayon ay ang sarsa mula sa nauna ko ng nailuto, at i-klik mo dito ng iyong mapagtanto. Oo, galing sa sarsa ng aking Beef Brisket. Kaya di ko na kinailangan ng dagdag na karne para dito.

Kaya ano pa nga ang susunod? Luto na!

HAPPY TUMMY!


Adobong Sitaw with Beef Brisket-Kuno Sauce

Mga Sangkap

1/4 kilo ng Sitaw
2 butil ng Bawang
4 pirasong Siling Haba
1 pirasong Lemon
1 basong Beef Brisket-Kuno Sauce (tira)
Asin
Paminta
2 kutsarang Mantika

Paraan

1. Hiwain ng tig-2 inches ang sitaw. Itabi.

2. Sa kawali, igisa ang bawang sa mainit na mantika.

3. Ilagay ang sili at sitaw. Igisa sa loob ng 3 minuto.

4. Ibuhos ang sarsa. Pakuluin.

5. Ibuhos ang katas ng lemon. Huwag hahaluin. Hayaang kumulo.

6. Maaaring dagdagan ng asin at paminta ayon sa panlasa.

7. Ihain matapos na matiyak na luto na ang sitaw.

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Relyenong Bangus

Nung makabili ako ng pressure cooker, isa sa pinakaabangan kong isda na mabili sa supermarket ay ang BANGUS! Syempre para muli kong mailuto ang aking tatak at pamosong pressure cooked bangus recipes na paksiw at fish cake.Ngunit hindi ko pa kakayaning lutuin muli ung fish cake gawa ng wala naman kaming oven sa flat, kalungkutan di baga? So ang ending ay isip-isip... kaya subukan ko ang gumawa ng relyeno! Minsan ko palang nasubukang magrelyeno sa tanang-buhay ko at di ko na matandaan kung paano ang naging gawa ko noon.

Search. Search. Nood. Nood. Nood. Pak! Ayan may kumpiyansa na kong gawin ang relyeno, marahil sapat na ang naitulong ni Google at Youtube sa akin para armasan ako ng tamang kaalaman! Naks, parang seryosong labanan no? Syempre dapat maingat at matagumpay kong maihiwalay ang laman at balat ng bangus. Naturalmente ay tibay ng dibdib at buo ang loob ko sa gagawing operasyon! Parang panahon lang sa medikal eh, ibalik ang pagiging siruhano mode! Pak!

Sa kabila ng kakapusan sa praktika at kagamitan ay naging matagumpay naman ang paghihiwalay ng laman sa balat. Kakaiba ang pakiramdam habang isinasagawa ko ang operasyon kasi pakiramdam ko parang nasa operating room ako, bwahahahaha. 

Ang ending, pasok sa banga ang relyeno ko!


HAPPY TUMMY!


RELYENONG BANGUS

Mga Sangkap

1 pirasong Bangus
1 pirasong Patatas
1 pirasong Carrots
1 tangkay ng Celery
1 pirasong Capsicum
1 pirasong Itlog
3 kutsara ng Bread Crumbs
2 kutsara ng Mantika
2 kutsara ng Toyo
1 piraso ng Lemon
Asin
Paminta
Paprika
Foil

Paraan ng Pagluluto

1.  Pakuluin sa pressure cooker ang karne ng bangus na may timplang asin at paminta sa loob ng 45 minuto.

2. Ang balat naman ng bangus ay ibabad sa toyo at lemon. Itabi.

2. Samantala ay gayatin ng maliliit ang patatas, carrots, celery at capsicum. At igisa sa mantika, asin, paminta at paprika. Hanguin at palamigin. Itabi.

3. Matapos pakuluin ang isda, hanguin at palamigin. Himayin.

4. Pagsamahin ang hinimay na bangus, ginisang gulay, bread crumbs at itlog. Haluing mabuti. Maaaring budburan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

5. Ipalaman ang mixture sa balat ng bangus.
Nakabalot na ng foil ang bangus

6. Balutin ng foil ang bangus at i-steam sa loob ng 30 minuto.
Improvised steamer ang ginawa ko dine.

7. Palamigin at itabi.

8. Maaaring iprito o i-bake ang relyeno o ayon sa nais.

9. Ihain ng may kasamang mainit na kanin at toyo-lemon na sawsawan.



Linggo, Setyembre 29, 2013

Beef Brisket-Kuno

Noong isang day off na napagpasyahan namin ni Geebeth na isakatuparan ang pinapangarap naming isang agahan sa IKEA... at napagpasyahan ko rin sa wakas na bumili ng PRESSURE COOKER! Oo, P-R-E-S-S-U-R-E  C-O-O-K-E-R!!! Maka-ilang ulit ko ring kinumbinsi ko ang sarili ko... Gora Diwata, at bilhin na ang pinapangarap mong gadget (Naks! parang kalebel lang ng mga iPhone ah)! So madali't sabi e binili ko na nga, kung saan pikit mata ko itong binayaran sa counter. Oo, parang gusto ko pang-umatras! Habang bitbit ito pauwi, ang daming mga ideya na animo'y lumulutang-lutang sa paligid ko... day dreaming na lang ang peg ko; iba't-ibang menu na maaari ko na ring mailuto gamit ang Pressure Cooker. Walang pagsidlan ang kasihayan ko at di ako makapaniwalang - OO, MAY PRESSURE COOKER NA KO. Ang kulit lang di ba? O sya tama na ang sirang-plaka, diretso na sa luto.

At ang una kong ibabahagi sa inyo ay ang pagluluto ng BAKA. Syempre hindi iyo nilaga o sinigang. Pasosyal lang ng konti ang tirada. Madalas kong nababasa at napapanood sa mga cooking show/pages. At itong huli ay na-inspire ako sa winning menu ng nanalong Master Chef US na si Luca. Na kung saan ay nagluto sya ng baka na ayon kay Gordon Ramsay ay nanaisin nya itong maging huling pagkain bago sya pumanaw. Ang bigat, di ba? So gaya-gaya lang ako. Natural sariling kong diskarte ang pagbubuo ng mga sangkap nito.

At nang pasinayaan ko na itong gamitin, nabulabog ang aming kusina at ang buong flat ng simulan ko na ang pagluluto. Naturalmente at iskandaloso ang ingay na nililikha ng pressure cooker sa bawat pagsipol nito. Pero keber lang at ganun talaga e. Marahil isinusumpa ang ng mga ka-flat ko sa ingay, he he he. Wala kong magagawa para patahimikin ito kundi hintayin ang takdang oras para alisin sa apoy.

At ng humantong na sa takdang oras, at tttaaaaaaddddddaaaaaaahhhh!!!

HAPPY TUMMY!


BEEF BRISKET-KUNO

Mga Sangkap

1/2 kilong karne ng Baka
2 piraso ng Patatas
2 piraso ng carrots
2 piraso ng tangkay ng Celery
1 piraso ng Sibuyas
4 butil ng Bawang
4 piraso ng Siling Haba
2 piraso ng Kamatis
3 kutsara ng Mantika
2 kutsara ng Harina
1/2 tasa ng Toyo
4 kutsara ng Oyster sauce
2 tasa ng Tubig
Asin
Paminta
Paprika
Asukal

Paraan ng Pagluluto

1. Ihanda ang pressure cooker na may mantika. Habang hinihitay na uminit ito ay balutin ng harina na may timplang, asin, paminta at paprika ang karne. I-prito saglit ang karne at itabi.




2. I-prito din ang papatas. Itabi.


3. Sa mismong pinagprituhan ay igisa ang bawang, sibuyas, carrots at celery sa loob ng 3-5 minuto.




4. Ilagay ang kamatis. Igisa.


5. Ilagay ang Karne ng Baka. Haluin.


6. Ibuhos ang toyo, oyster sauce, asukal at tubig. Takpan na ang pressure cooker. At pakuluin sa loob ng 30 minuto mula sa unang pagsipol ng Pressure cooker.


7. Matapos ang 30 minuto, alisin sa apoy. Hayaan munang bumaba ang temperatura ng Pressure cooker bago ito buksan.

8. Sa pagbukas ng pressure cooker, tignan ang karne kung tama ang lambot nito. Isalang muli sa apoy. Maaaring dagdagan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

9. Ilagay ang papatas at sili. Pakuluin sa loob ng 5 minuto o hanggang sa magkaroon na lamang ng sapat na sarsa.


10. Hanguin at ihain ng may mainit na kanin!


Sabado, Setyembre 14, 2013

Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Jam packed ang aking weekend. Sulit na sulit ika nga. Salamat sa aking weekend buddy na si Geebeth sa pagtuwang na maisakatuparan ito. At bilang pagsasara ng linggong ito ay naghanda ako ng di ko pa natikmang putahe sa buong buhay ko he he. Nag-eksperimento na naman ako - kaya sa isa ko pang kaibigang si Nalaine e huwag kang matakot sa pag-eksperimento sa pagluluto. Ika nga e kailangang makapagluwal tayo ng isang teorya at i-proseso sa praktika para muli itong maitaas sa antas ng panibagong teorya! Naks, may mga ganung banat naman. Halos maghapon ko ring binubuo ang recipe na ito sa isip ko. Ayaw ko kasing magluto ng sisig kaya sabi ko nga sa sarili ko e karne na naman baga? Kawawa na ang panununaw ko at ang nagkakasunod na ang karne sa linggong ito. Kaya isip-isip ng bongga. Kaya matapos ang gala namin ni Geebeth ay dumiretso kami sa supermarket para bilhin ang iba pang sangkap na maaaring mag-compliment sa tenga ng baboy! At taaaadddaaaaahhhh.... niluwal ang nagsasa-sosyal na mala-kilawin at mala-ensaladang lutuin!

HAPPY TUMMY!



Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Mga Sangkap:

1/4 kilong Tenga ng Baboy
1 pirasong Green Apple
1 malaking pirasong Sibuyas
2 tangkay ng Celery
1/4 tasa ng Suka
1 pirasong Lemon
3 piraso ng Siling Haba
Asin
Paminta
Asukal

Pamamaraan:

1. Pakuluan at palambutin ang tenga ng baboy. Gayatin ito ng pahaba o strips at itabi.

2. Gayatin ng halos kasing laki ng hiwa ng baboy ang Apple, Celery, Sibuyas at Sili. Itabi.

3. Pagsamahin ang suka at katas ng lemon. Timplahan ito ng asin, paminta at asukal ayon sa panlasa.

4. Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap. Haluing mabuti. Maaaring dagdagan o remendyuhan ang timpla sa asin, paminta o asukal.

5. Maaari ng ihain at sabayan ng mainit na kanin o serbesa!




Miyerkules, Agosto 28, 2013

Fish Fillet in Mayo-Onion Dip

Since mainit-init pa rin ang panawagang "Makibaka, wag magbaboy!", no porky-porky meal muna ang peg ko ngayon. Subok-subok ng mga bago sa akin at bagamat hindi ako fan ng isda, bakit di ko subukan ito? At dahil reyna ata ko ng mga katipiran at hinahalughog ko ang mga murang bilihin lalu na ang pagkain!

Boom! Mayroong naka-fillet ng isda na mabibili sa supermarket. Medyo matatagal ko ng pinag iisipan kung ano nga ba ang pwede kong iluto sa isda. Sweet & sour kaya? Naaaahh. Ayaw ko. In cream sauce kaya? Hmmmm.... Isip-isip. At salamat sa aking kaibigang Noel, binigyan nya ko ng ideya sa kung ano ang pwedeng tirada!!!

Woooot! Wooooot!

HAPPY TUMMY!

Fish Fillet in Mayo-Onion Dip

Mga Sangkap:

1/2 kilong Fish fillet (kahit anong isda) at gayatin sa "bite size"
1 tasang harina
3 kutsarang Toyo
1 pirasong Lemon
1 pirasong Sibuyas na ginayat ng maliliit
1 tasang Mayonaise
Asin
Paminta
Paprika
Mantika
Yelo
1/2 tasang Tubig na malamig
Mantika

Mga Hakbang sa Pagluluto

1. Ihanda muna ang isda, gayatin ng tig-2 inches o ayun sa bite size.

2. Ibabad ang isda sa toyo, asin, paminta, lemon at paprika sa loob ng 30 minuto. Itabi.

3. Ihanda ang sawsawan. Pagsamahin ang mayonaise at sibuyas. Timplahan ng asin, paminta at lemon na ayon sa panlasa. Itabi. Pinakamainam na overnight (yan ang tip ni Noel) ang preparasyon nito para higit na magkumbina ang mga lasa nito.

4. Ihanda ang kalan para iprito ang isda.

5. Habang pinapainit ang kalan, ihanda ang breading.

6. Tatlong hakbang ang breading: Una, plain harina; Ikalawa, yelo at tubig; at huli, ay Flavoured Harina (Asin, paminta, at paprika).

7. I-drain ang isda mula sa marinate.

8. Isa-isang sa plain harina ang isda.

9. Mabilis na itubog sa konting tubig na may yelo.

10. At panghuling coating ay ang flavoured harina.

11. I-prito. Itabi.

12. Maaari ng ihain matapos ang buong proseso.




Biyernes, Agosto 23, 2013

Diwatang Lagalag's Ginataang Baka Espesyal


At dahil panahon ngayon ng kainitan ng isyu hinggil sa  Pork barrel/Napoles at mayroong panawagan na Makibaka at Huwag magbaboy!Kaya eto ang aking tugon sa panawagan at pananghaliang ito. Isang kakaibang lutuing nag-evolve mula sa simpleng nilaga hanggang sa maging parang pochero na caldereta. 

At dahil nakahanda kong iluto na ang Nilagang Baka, sinumulan ko na munang palambutin ang karne. Syempre marapat lamang na kaiga-igaya ang bawat pag-nguya para namnamin ang mga sumasabog na linamnam at lasa ng pagkain. Mahirap naman kumain na animo'y nakikipagbuno ka sa isang goma! Kawawa naman ang panga mo pag nagkataon.

So ang siste, dahil hindi naman ako "fan" ng nilaga at parang mabigat sa kalooban kong magluto nito ay nag-isip ng pwedeng twist sa putaheng ito. Naturalmente, tingin-tingin sa aking mga imbak. Boom! Mayroon akong gata, tomato paste at tirang hotdog. 

Taaa--daaaahhhhh!!! 

HAPPY TUMMY!

Diwatang Lagalag's Ginataang Baka Espesyal

Mga Sangkap:

1/4 kilong karne ng Baka na ginayat na tig- 2 inches strips
1 malaking Patatas gayatin na kasing laki ng sa baka
1/4 kilong Repolyo
1 pirasong Sibuyas
4 na butil ng Bawang
1 kutsara ng Tomato Paste
3 pirasong Hotdog 
1 lata ng Gata
2 kutsarang Toyo
Asin
Paminta
Paprika
Chili Flakes
Mantika

Hakbang sa Pagluluto:
1. Palambutin ang karne. Itabi.

2. Iprito ang ang patatas. Itabi.

3. Sa pinagprituhan ng patatas, igisa ang bawang at sibuyas.

4. Ilagay ang karne ng baka. 

5. Budburan ng paminta, chili flakes at paprika. Igisa.

6. Ibuhos ang toyo at tomato paste. Hayaang kumapit ang lasa ng mga ito sa karne. Igisa sa loob ng 3 minuto. Tuluy-tuloy ang paghalo.

7. Ilagay ang hotdog.

8. Ibuhos na ang gata. Pakuluin.

9. Kapag halos makalahati na ang sabaw ay ilagay na ang repolyo at patatas. Pakuluin.

10. Maaari na itong timplahan muli ng asin at paminta ayon sa panlasa.

11. At kapag naluto na ang repolyo at maaari na itong hanguin at ihain.

Miyerkules, Hunyo 5, 2013

Abangan...

Sa ilang panahon, na nahimik ang abang tambayan.

Sa marami at samu't saring kadahilanan ay kinailangang lumiban.

Magkagayun pa man ay nabigyan ng sigla at buhay.

Kaya...


Abangan ang muling pagbabalik ng "diwata" sa pag-LAGALAG!

Linggo, Abril 28, 2013

CHICKEN PEANUT BUTTER WITH CARROTS & BEANS

sa wakas at muling nakabalik sa ating tambayan!

nitong mga nakakaraan ay naging abala sa bagong kaayusan sa aking buhay - bagong trabaho, bagong kumpanya, bagong mga kakilala, bago at lumang mga tunay na kaibigan at bagong bahay na tinutuluyan. ang ending super mega duper busy ang peg ng byuti ko!

at syempre, bagong kusina at mga bagong putahe! dahil sa ngayon ay nasa sentro na ko ng komersyo.... meaning malapit na ko sa mga pamilihan, he he he. kaya mas relatibong madaling makabuo at makapagluto ng mga putaheng ihahanda.

para sa unang balsada ay ibabahagi ko ang produkto ng aking malikot na imahinasyon sa pagluluto sa aking bagong buhay!

CHICKEN PEANUT BUTTER WITH CARROTS & BEANS

mga sangkap:

1/4 kilong pitso ng manok
3 kutsarang peanut butter
1 pirasong carrots na ginayat
1/8 kilong beans na ginayat
gakurot na asin at paminta
1 pirasong sibuyas
4 butil ng bawang
2 kutsarang mantika

pamamaraan:

1. gayatin ang manok at i-marinate sa peanut butter sa loob ng 30 minuto. itabi.

2. samantala, gayatin ang carrots, beans, sibuyas at bawang.

3. ihanda ang kawali at painitin. ibuhos ang mantika.

4. igisa ang bawang at sibuyas.

5. budburan ng asin at paminta ayon sa panlasa.

6. isunod na ilagay ang manok.

7. ilagay ang mga gulay.

8. lutuin sa loob ng 10-15 minuto o hanggang maluto ang manok at gulay.

9. maaaring lagyan o dagdag ng asin at paminta ayon sa panlasa.


paghahahinan: 2-3 ulaman