Biyernes, Disyembre 27, 2013

Spanish Style Bangus-Sardines


Matapos ang sunud-sunod na kainan  at lalo't higit ay puro karne ang pinagpyestahan ay marapat lamang pagpahingahin ang ating mga panunaw. At ang isang alternatibo ay ang isda. Bagamat hindi ako panatiko sa pagkain ng isda at lalo't higit ang pagkain ng bangus. Na di naman lingid sa karamihan na ang klaseng ng isdang ito ay namumutakti sa dami ng tinik! Hahay!

Kung kaya't salamat sa pagkaka-imbento ng pressure cooker at ang aking suliranin ay nabigyan ng kaliwagan. At kung ating babalikan ang nauna kong mga putaheng bangus tulad ng paksiw na bangus at bangus cake ay no worries na sa mga tinik!

Kaya ano pa nga, kundi...

HAPPY TUMMY!


Spanish Style Bangus-Sardines

Mga Sangkap

4 piraso ng Bangus (katamtamang laki)
3 piraso ng Carrots (hiwain ng pabilog)
3 piraso ng Kamatis (hatiin/hiwain sa apat)
1 maliit na bote ng Pickles
10 piraso ng Siling Haba
6 piraso ng Dahon ng Laurel
2 kutsara ng Pamintang Buo
1 litro ng Olive Oil
Asin

Paraan ng Pagluluto

1. Linising mabuti ang isda. Hatiin sa nais na bilang. Ibabad sa tubig na may asin (brine solution) sa loob ng 30 minuto.

2. I-salansan sa Pressure cooker ang lahat ng sangkap. Unang ilagay ang isda at ilagay ang iba pang sangkap.

3. I-salang sa apoy at hayaang maluto sa loob ng isang-dalawag oras mula sa unang pagsipol ng pressure cooker. Tikayain na sa unang pagsipol ay hinaan ang apoy.

4. Matapos ang isang oras at maaari na itong hanguin. Palamigin.

5. Maaari na itong ihain kasama ang mainit na kanin.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento