Simula pa ng pagkabata, pinangarap ko na ang maging isang atleta o kahit man lang na matuto ng kahit ano sa larangan ng palakasan. Nakasanayan ko ng kulelat ako sa pamalagian at walang lakas sa kahit anong larong aking nasasalihan. Inggit na inggit ako sa aking mga kalaro na napakahusay sa aming mga larong -- chinese garter, piko, habulan at marami pang iba ay makakategorya mo akong nasa pinakababa o kulelat. Ngunit syempre kahit papaano ay may natatanging alas naman ako - ang pagsayaw. Masasabi kong noon ay kaya kong magbuhat ng bangko sa bagay na ito, syempre ibang usapan na ngayon at kakailanganin ko ng isalang ang mga buto-buto sa pressure cooker para mapalambot muli ang katawan.
At sa pag-usad ng panahon, natanggap ko na sa sarili, na ako ay mananatiling tigil at walang pagsulong sa anumang larangan ng palakasan.
Subalit nagbago bigla ang aking pagtingin at pagkilala sa sariling kakayahan. Kakayanin ko palang maka-iral sa mundo ng mga atleta bilang isang mananakbo. Bagamat hindi man kasing husay, bilis at tikas nila ay wala namang makakapigil sa akin na gawin ito.
Kung kaya't halina at samahan nyo akong muli sa mga kalsada hindi para mag-rally bagkus sa aking panibagong pagtahak sa mundo ng mga mananakbo at maglalagalag!
Bahagi ng pagsasanay sa pagtakbo ng paakyat sa bundok Jabel Al Jais, Ras Al Khaimah. Kuha mula sa lente ni BuongBilog. |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento