Noong 2011 ay napagpasyahan kong bumili ng "running shoes" ito ay para matupad ang matagal ko ng pinapangarap na maging physically active at healthy, kuno. Subalit inabot ng 2012 bago ko ito akwal na magamit sa pagtakbo. Syempre sa maraming kadahilanan ay hirap na maituloy ang hangarin. Kesyo pagod sa trabaho, iisa lang ang day-off, maglalaba pa ko, tutulog muna ko at mahabang listahan pa ng mga dahilan para hindi matuloy ang pagtakbo. Ang daming justification ika nga.
Bagamat nakaka-takbo na kahit paano noong 2012 ay di ganun ang kasigasigan kong tumakbo. Kapos sa buong-giliw na pagyakap sa benepisyo ng takbo. Walang puso ika nga. Nakakatamad din naman kaya (excuse na naman, di ba?). Sa kadalasan ay hanggang SANA, sana, SANA, sana at marami pang SANA ang sinasambit ko.
Bakit ba napakahirap gawin ang bagay na ito? Mahirap nga ba? O sadyang ayaw lamang? Laging nauuna ang mga pangamba at pag-estima sa sariling kakayanan. Laging takot. Laging nauuna ang mga konklusyon. Pero puno naman lagi ng panghihinayang kapag hindi maisakatuparan.
Yalla!!! Gawin na!
At noong Oktubre 15, 2013 ay matagumpay ko ng naisakatuparan ang "tunay na pagtakbo"! Sa kabila ng mga pag-aalinlangan ay sumige akong sumama sa isang grupo ng mga mananakbo dito sa Dubai. Ito ay ang Filipino Runners UAE o FRU. At hindi ako nagkamali sa aking naging desisyon na kung saan unang-una kong nagapi ang sarili mula sa aking mga mahabang listahan ng mga dahilan.
Isang malaking tagumpay at nakatakbo, tumatakbo at tatakbo pa rin ako!
Kita-kits sa mga lansangan!
Let's go, SAGOW!
Pabatid: Ang mga larawan ay kuha ni BuongBilog.