Sabado, Setyembre 14, 2013

Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Jam packed ang aking weekend. Sulit na sulit ika nga. Salamat sa aking weekend buddy na si Geebeth sa pagtuwang na maisakatuparan ito. At bilang pagsasara ng linggong ito ay naghanda ako ng di ko pa natikmang putahe sa buong buhay ko he he. Nag-eksperimento na naman ako - kaya sa isa ko pang kaibigang si Nalaine e huwag kang matakot sa pag-eksperimento sa pagluluto. Ika nga e kailangang makapagluwal tayo ng isang teorya at i-proseso sa praktika para muli itong maitaas sa antas ng panibagong teorya! Naks, may mga ganung banat naman. Halos maghapon ko ring binubuo ang recipe na ito sa isip ko. Ayaw ko kasing magluto ng sisig kaya sabi ko nga sa sarili ko e karne na naman baga? Kawawa na ang panununaw ko at ang nagkakasunod na ang karne sa linggong ito. Kaya isip-isip ng bongga. Kaya matapos ang gala namin ni Geebeth ay dumiretso kami sa supermarket para bilhin ang iba pang sangkap na maaaring mag-compliment sa tenga ng baboy! At taaaadddaaaaahhhh.... niluwal ang nagsasa-sosyal na mala-kilawin at mala-ensaladang lutuin!

HAPPY TUMMY!



Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Mga Sangkap:

1/4 kilong Tenga ng Baboy
1 pirasong Green Apple
1 malaking pirasong Sibuyas
2 tangkay ng Celery
1/4 tasa ng Suka
1 pirasong Lemon
3 piraso ng Siling Haba
Asin
Paminta
Asukal

Pamamaraan:

1. Pakuluan at palambutin ang tenga ng baboy. Gayatin ito ng pahaba o strips at itabi.

2. Gayatin ng halos kasing laki ng hiwa ng baboy ang Apple, Celery, Sibuyas at Sili. Itabi.

3. Pagsamahin ang suka at katas ng lemon. Timplahan ito ng asin, paminta at asukal ayon sa panlasa.

4. Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap. Haluing mabuti. Maaaring dagdagan o remendyuhan ang timpla sa asin, paminta o asukal.

5. Maaari ng ihain at sabayan ng mainit na kanin o serbesa!




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento