tulad ng inaasahan, maraming mga naglalaro sa aking isip. hindi ako natatakot subukan ang mga bagay lalu na sa pagluluto. uubra ba ito? paano kung ganun. pwede ba ito? at marami pang iba. at isa sa pinangahasan ko nung nakaraan ay yung pinresyur cooker kong paksiw na bangus na talaga namang nagbigay solusyon sa kinatatakutang tinik ng nasabing isda. kilig to the buto-buto kasi ubos lahat!
so dahil naging "fan" na rin ako ng nasabing proseso ng pagluluto ay gumawa ulit ako ng panibagong eksperimento. ito ay para sa aking handaan. target ko kasing walang karne ng baboy o baka sa mga putaheng ihahanda ko. gusto ko ng isda at gulay. kaya isip ako. basta ang pangunahin kong sangkap ay bangus!
at syempre, hindi rin naman ako nabigo. tagumpay ang eksperimento.
HAPPY TUMMY!
Bangus (Fish) Cake para sa Diwata
mga sangkap
4 malalaking bangus
8 pirasong patatas
4 pirasong sibuyas
4 pirasong itlog
asin
paminta
paprika
1/4 tasang olive oil o butter
paraan ng pagluluto
1. linisin ang bangus. tanggalin ang ulo, bunot, laman loob at kaliskis.
2. isalansan sa pressure cooker ang bangus at patatas.
3. ilagay din ang sibuyas, asin at paminta.
4. at lagyan ng tubig. tiyaking nakalubog ang lahat sa tubig.
5. isalang sa loob ng 1-1/2 oras o 2 oras depende sa laki ng mga bangus. sa unang pagsipol ay hinaan na ang apoy.
6. matapos ng 2 oras. hayaan munang bumaba ang temperatura nito. salain ang bangus at patatas. palamigin at itabi.
7. sa isang malaking mangkok, durugin ang bangus at patatas.
8. ihalo ang itlog.
9. maaaring timplahan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.
10. ilagay ang olive oil o tinunaw na butter.
11. haluing mabuti ang mga sangkap.
12. samantala, maaari nang painitin ang oven. ihanda ang baking pan at sapinan ng foil ang mga ito.
13. lagyan ang bawat baking pan ng mga sangkap at lutuin sa oven. lutuin sa loob ng 15 minuto o hanggang maging brown na ang itaas.
14. hanguin at palamigin. maaaring ihapag ito ng may kasamang pipino at mayonaise.
paghahahinan: sapat para sa 10 katao
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento