sa totoo lang wala sa plano ang pagluluto ko nito. kasi di ko mawari ano ba ang gusto ko. ang suma ay pinakuluan ko muna ang pata na parang isinangkutsa ika nga ng mga matatanda. isangkutsa sa bawang, sibuyas, toyo, suka at tubig. parang adobo lang hane? syempre mahaba-mahabang proseso at kinakailangang palambutin ng bongga ang karne at mahirap na makipagbabag ang mga ngipin sa karne na animo'y goma sa tigas. mahirap na, imbes na tuwa ay pagkadismaya pa at stress ang maibibigay nito sa atin. so tipong "slow cooking" ang diskarte - mahinang apoy at tuluy-tuloy na pagpapakulo.
katulad ng nakagawian ay halughog ko ang imbakan. anu-ano bang maaari kong ilagay at isama sa lulutuin ko? meron akong tomato sauce, beans, liver spread at mayroon pa rin akong peas sa ref. hmmmm... okay solve na ang problema, pagsama-samahin ang mga ito para sa iisang lutuin!
kaya, HAPPY TUMMY!
Kaldereta ni Diwata
mga sangkap
3/4 kilong pata ng baboy
2 pirasong patatas
2 pirasong carrots
1 pirasong capsicum
1 tasang peas
1 latang beans in tomato sauce
1 pirasaong sibuyas
4 butil ng bawang
asin
paminta
chili flakes
1/2 tasang toyo
1/4 tasang suka
1 litrong tubig
1/2 tasang cheese
1 maliit na lata ng liver spread (reno)
1 maliit na lata ng tomato sauce
2 kutsarang tomato paste
1/2 tasang mantika
nota: ang mga asin, paminta at chili flakes ay inaayon sa panlasa.
paraan ng pagluluto
1. sa kaldero ay pakuluan at palambutin ang karne na kasama ang kalahati ng sibuyas at bawang, paminta, asin, toyo, suka at tubig.
2. samantala ay prituhin muna ang patatas at carrots. itabi.
3. sa parehong kawali ay igisa ang bawang, sibuyas at chili flakes.
4. ilagay ang tomato paste ay hayaang humalo ito sa gisa.
5. isunod na ilagay ang karne. hayaang sumisip ang lasa ng gisa sa karne.
6. tubigan. pakuluin.
7. kapag halos nangalahati na ang tubig ay ilagay ang tomato sauce, patatas, carrots, peas, beans, liver spread at cheese. pakuluin.
8. maaaring dagdag ng asin, paminta at chili flakes kung kinakailangan.
9. ilagay ang capsicum at pakuluan sa loob ng 2 minuto.
10. hanguin at ihapag ng may kasamang mainit na kanin.
paghahahinan: 4-5 ulaman
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
TumugonBurahin