Ipinapakita ang mga post na may etiketa na fritters. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na fritters. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Nobyembre 14, 2012

Bangus (Fish) Cake para sa Diwata

tulad ng inaasahan, maraming mga naglalaro sa aking isip. hindi ako natatakot subukan ang mga bagay lalu na sa pagluluto. uubra ba ito? paano kung ganun. pwede ba ito? at marami pang iba. at isa sa pinangahasan ko nung nakaraan ay yung pinresyur cooker kong paksiw na bangus na talaga namang nagbigay solusyon sa kinatatakutang tinik ng nasabing isda. kilig to the buto-buto kasi ubos lahat!

so dahil naging "fan" na rin ako ng nasabing proseso ng pagluluto ay gumawa ulit ako ng panibagong eksperimento. ito ay para sa aking handaan. target ko kasing walang karne ng baboy o baka sa mga putaheng ihahanda ko. gusto ko ng isda at gulay. kaya isip ako.  basta ang pangunahin kong sangkap ay bangus!

at syempre, hindi rin naman ako nabigo. tagumpay ang eksperimento. 

HAPPY TUMMY!


Bangus (Fish) Cake para sa Diwata

mga sangkap

4 malalaking bangus
8 pirasong patatas
4 pirasong sibuyas
4 pirasong itlog
asin
paminta
paprika
1/4 tasang olive oil o butter

paraan ng pagluluto

1. linisin ang bangus. tanggalin ang ulo, bunot, laman loob at kaliskis.

2. isalansan sa pressure cooker ang bangus at patatas.

3. ilagay din ang sibuyas, asin at paminta.

4. at lagyan ng tubig. tiyaking nakalubog ang lahat sa tubig.

5. isalang sa loob ng 1-1/2 oras o 2 oras depende sa laki ng mga bangus. sa unang pagsipol ay hinaan na ang apoy.

6. matapos ng 2 oras. hayaan munang bumaba ang temperatura nito. salain ang bangus at patatas. palamigin at itabi.

7. sa isang malaking mangkok, durugin ang bangus at patatas.

8. ihalo ang itlog.

9. maaaring timplahan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

10. ilagay ang olive oil o tinunaw na butter.

11. haluing mabuti ang mga sangkap.

12. samantala, maaari nang painitin ang oven. ihanda ang baking pan at sapinan ng foil ang mga ito.

13. lagyan ang bawat baking pan ng mga sangkap at lutuin sa oven. lutuin sa loob ng 15 minuto o hanggang maging brown na ang itaas.

14. hanguin at palamigin. maaaring ihapag ito ng may kasamang pipino at mayonaise.

paghahahinan: sapat para sa 10 katao

Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Ari-Bida Patatas!

bigla akong nagamba sa pagpapatupad ng cyber crime law sa pinas... baka pati itong mga lutuin ko ay pagbawalan, he he he. at sa isang banda, ay malimitahan nito ang ating kalayaang magpapahayag...

naturalmente, maaari at talagang magpag-uugnay natin ang kalagayan nating mga OFW sa socio-economic status sa Pinas (kaya malaya nating naipapahayag ang ating mga daing lalu na sa mundo social networking). yun nga ang punut-dulo kung bakit tayo nagawi dito sa ibayong dagat at malayo sa ating mga pamilya. at para saan ang layun nating makapaghanap-buhay at makapagtipid maging sa ating mga pagkain. hahay buhay! nakakastress ha.

katulad ng mga nauna ko nang naibahagi, ang kusina ay maituturing kong paraiso. kaya ito ang "unloading area" ko ng mga stress at ito rin ang "loading area" ko ng positive vibes! ang bawat stress ay pawang nababalatan, nahihimay, nagagayat at nahuhugasan. pero nunka, bawal ang nakasimangot kabag nagluluto. dapat ma-feel ang tuwa at ligaya na maidudulot nito sa kumakalam na sikmura! samantalang ang positive vibes naman ay pawang nanggagaling sa tunog ng pagsagitsit ng mantika, ng kumukulong tubig at sa samyo't aroma ng pagkaing niluluto. pakiramdam ko kasi parang eksena lang sa Beauty and the Beast ang bawat yapak ko sa kusina, he he he. magkagayun pa man ay di sa lahat ng pagkakataon ay stress ang inyong abang lingkod. cooking is my hobby. ay, mali. cooking is my passion! naks!

so, tara magluto na tayo! at dahil lagi't-laging nasa balangkas tayo ng "budget" - ang PATATAS naman ang bibida. kasi dito mura ang patatas... kaya madalas itong nailalahok sa mga lutuin ngunit madalang itong maging BIDA at laging support o extra ang role nya. at  syempre dahil, ever supportive ako ay bibigyan ko ng "starring role" sa putahe ngayon.

ARIBIDA, PATATAS!
AriBIDA Patatas!
(katumbas nito ang Hush Brown at Okoy)


sangkap:
1 kilo Patatas (grated)
1 250mg Feta Cheese
2 pirasong Sibuyas (ginayat na pino)
Paminta
mantika o butter

pamamaraan:
1. sa isang malaking mangkok o anumang lalagyan tulad ng palanggana ay pagsasama-samahin ang patatas, feta, at sibuyas. haluing mabuti.

2. lagyan ng paminta ayon sa panlasa.

3. ihanda ang baking pan at pahiran ng mantika o butter. ay maglagay tig-isa hanggang dalawang kutsara ng mixture at i-ayon sa hubog na naisin. tiyaking hindi magkakadikit ang mga ito.

4. samantala, ay ihanda at painitin ang oven (pwedeng rin namang i-prito pero mas type ang i-bake ang mga ito) sa medium heat (pasensya na at walang metro o gauge ang oven sa bahay e). matapos nito ay maaari nang isalang sa loob ng 15-20 minuto o sa hanggang sa maluto ang patatas.
Nakasalang na! Old school ang aming oven, oh!

5. sa pagitan 10-15 minuto ay maaaring hanguin at baligtarin ang para maging pantay ang pagkakaluto.

6. matapos ang 20 minuto ay luto na. hanguin at palamigin. maaaring ulamin o gawing meryenda. pwedeng isawsaw sa suka na parang okoy o dili kaya ay ketchup na parang burger!
sa isang kilo ay makakagawa ng 
3-4 servings na mayroong tig-4 na piraso