Linggo, Nobyembre 25, 2012

PALITAW

tuwing biyernes ay pagkakataon humilata ng maghapon at samantalahin ang isang araw na day-off. sa aming flat, magkakapanagpo lamang kaming lahat sa kusina... aba e nakalam ang mga sikmura e. ang isang biruan namin ay ang mga nakatira sa flat ay mga may betsin sa dila at mga takot mapabilang sa hunger games! at sa ganung bisyo ay laging napag uusapan kung ano ang masarap at namimis kainin - at eto na nga ang palitaw na sasagot sa aming pagpapantasya na pang meryenda!

tulong-tulong kami sa paghahanda at syempre ako ang pangunahing nag-abala. sina mommy kat at tage ang katuwang ko sa pagbudbud ng niyog, asukal at anis. kaya ang biyernes ay laging kaabang-abang sa mga pagkaing aming pagsasaluhan.

kaya, HAPPY TUMMY!

PALITAW

mga sangkap

1/2 kilong malagkit powder
1/4 kilong asukal
2 pirasong kinudkod na niyog
1/4 tasang kinirog na anis
tubig

paraan ng pagluluto

1. ilagay ang malagkit sa isang malaking malukong na sapat para mahalo ito.

2. ibuhos ang tubig ng unti-unti. sapat na tubig para maporma o mahulma na parang bola ito. tantyahin ang tubig.

3. sa paghulma, kumuha ng bahagi na isang kutsara ang dami. bilugin sa palad at pitpitin na parang hugis ng dila. at ilatag sa isang tuyong plato na binudburan ng malagkit powder para di manikit.

4. habang inihuhulma ang mga malagkit ay magpakulo na ng 2-3 litrong tubig sa kaserola. 

5. panatilihing kumukulo ang tubig atsaka ilagay ang mga malagkit. tiyaking hindi "crowded" ang mga ito para maiwasan ang pagdidikit. maaaring bahagi-bahagi o per batch (5 piraso kada tubog).

6. ang isang sensyales na matitiyak na luto na ang mga ito mula sa paglubog ay ang "paglitaw" o paglutang ng mga malagkit. ito na ang hudyat na hanguin ang mga ito. 

7. matapos nito ay paguling ang mga ito sa niyog. 

8. sunod sa asukal.

9. at panghuli ay budburan ng kinirog o sinangag na asin.

10. at ihain at samahan ng mainit na kape o tsokolate!

paghahahinan: 6 katao


Biyernes, Nobyembre 23, 2012

Diwata's Pansit Canton

nitong mga nakakaraan ay naging abala ako sa trabaho kaya naman walang pagkakataong makapagsulat at magluto ng mga putaheng aking maibabahagi. at ngayong day off... at nataong bertdey ni kuya harvey e  ipinagluto ko sya ng rekwes nyang pansit.

sumabay na ko sa kanila sa pamimili kaninang umaga kaya natupad ang matagal na niyang inaawitan sa akin. muli, hapi bertdey kuya harvey!

HAPPY TUMMY!

Diwata's Pansit Canton

mga sangkap

1/4 kilong baboy at atay
1 pirasong sibuyas
6 butil ng bawang
3 pirasong carrots
1 katamtamang laking repolyo
1 pirasong capsicum
2 tangkay ng celery
2 buong onion leeks
1 platitong toge
2 malalaking balot ng pansit canton
asin
paminta
paprika
mantika
1 tasang toyo
1/2 tasang oyster sauce

paraan ng pagluluto

1. ihanda ang mga gulay. gayatin ng pahaba ang mga ito. pagkatapos ay magpakulo ng tubig ng may asin, paminta at mantika.

2. sa pinakulong tubig ay i-blanced o itubog ang mga gulay. gawing baha-bahagi ang pagtubog sa loob ng 3-5 minuto o hanggang sa maging matingkad ang kulay at maluto ang gulay - carrots, repolyo at toge. at itabi. huwag itapon ang pinagkulaan.

3. pagkayari ng mga gulay ay ihanda ang "wok" o kawali. painitin ang mantika.

4. igisa ang bawang at sibuyas. isunod na ilagay ang baboy.

5. budburan ng asin, paminta, at paprika. hayaang maluto at sipsipin ng karne ang mga spices.

6. kapag halos mag-brown na ang mga gilid ng karne ay tsaka ibuhos ang toyo at oyster sauce. lutuin sa loob ng 5-10 minuto. haluin paminsan-minsan para di masunog.

7. ibuhos ang 4 tasang pinagkuluan ng mga gulay. pakuluin.

8. kapag inabot na ang pagkulo ay ilagay na ang pansit canton. haluin.

9. kapag nasa kalagitnaan na ng pagkaluto ang pansit ay tsaka ilagay ang lahat ng mga gulay.

10. maaaring dagdagan ng tubig depende sa pagkaluto ng noodles. gayundin ay maaaring muling lagyan o timplahan ng asin at paminta ayon sa panlasa.

11. matapos matiyak na luto na ang noodles o pansit at maaari na itong hanguin.

12. ihain ng may kasamang lemon at budburan ng piniritong bawang bilang toppings.

paghahahinan: 10 katao


Sabado, Nobyembre 17, 2012

PULA ANG KULAY NG PAG-IBIG

paulit-ulit na nagpe-play ito sa ulo ko mula ng mapanood at marinig ko... pakiramdam ko ay nasa kolehiyo pa ako. magaan at napaka-agresibo ko pa noon. masaya kahit maraming struggle. ang pinakanami-miss ko yung mga jamming sessions namin. di naman talaga ko mang-aawit pero keber basta kakanta ko ng buong-giliw! nais ko lang ding i-share ito sa lahat since wala pa akong time magpaka-abala sa kusina, he he he. ito naman ang other side ko.

mga kaibigan... ang bandang PLAGPUL!!!



PULA ANG KULAY NG PAG-IBIG
Plagpul

You and me, sitting on tree, M-A-R-X-I-S-T
You and me, sitting on a tree, ang pag-ibig ay isang ED

Ang aking girlfriend, laging nakapula
Ang kanyang favorite song, ay Rosas ng Digma
Ang aking girlfriend ay hindi maarte
Matalino, makatwiran, marunong dumiskarte

Okay lang sa akin na wala siyang panahon
Pagkat ito naman ay para sa rebolusyon
Di ko iisipin na meron siyang iba
Inside joke sa amin yung siya’y nangaliwa

Chorus: 
Mainitan man sa edsa (may sun block naman)
Umulan man sa ayala (may payong naman)
Madisperse man sa Mendiola (takbuhan na yan)
You’re my only one, my aktibista

Ang aking girlfriend ay never naging clingy
Wala siyang oras sa ganun, sa pag-organize ay busy
Sa aking gi----rlfriend ako’y kinikilig
Sa galing niyang mag-ED, ako ay nahahamig

Okay lang sa akin na wala siyang panahon
Pagkat ito naman ay para sa rebolusyon
Ang aming pag-ibig ay isang paglalakbay
You and me together, hanggang sa tagumpay

Repeat Chorus

Bridge:
At kung ayaw sa akin ng iyong mga magulang
Ako ay mag-pipiket sa harap ng yong tahanan
Kasama mo ako sa pagtupad ng yong pangarap
Basta’t sa puso ko please wag ka sanang ma-desap

Chorus:

Mainitan man sa edsa (may sun block naman)
Umulan man sa ayala (may payong naman)
Madisperse man sa Mendiola (takbuhan na yan)
You’re my only one
Sa rural o sa urban
Mananagot si Palparan
My aktibista

Miyerkules, Nobyembre 14, 2012

Bangus (Fish) Cake para sa Diwata

tulad ng inaasahan, maraming mga naglalaro sa aking isip. hindi ako natatakot subukan ang mga bagay lalu na sa pagluluto. uubra ba ito? paano kung ganun. pwede ba ito? at marami pang iba. at isa sa pinangahasan ko nung nakaraan ay yung pinresyur cooker kong paksiw na bangus na talaga namang nagbigay solusyon sa kinatatakutang tinik ng nasabing isda. kilig to the buto-buto kasi ubos lahat!

so dahil naging "fan" na rin ako ng nasabing proseso ng pagluluto ay gumawa ulit ako ng panibagong eksperimento. ito ay para sa aking handaan. target ko kasing walang karne ng baboy o baka sa mga putaheng ihahanda ko. gusto ko ng isda at gulay. kaya isip ako.  basta ang pangunahin kong sangkap ay bangus!

at syempre, hindi rin naman ako nabigo. tagumpay ang eksperimento. 

HAPPY TUMMY!


Bangus (Fish) Cake para sa Diwata

mga sangkap

4 malalaking bangus
8 pirasong patatas
4 pirasong sibuyas
4 pirasong itlog
asin
paminta
paprika
1/4 tasang olive oil o butter

paraan ng pagluluto

1. linisin ang bangus. tanggalin ang ulo, bunot, laman loob at kaliskis.

2. isalansan sa pressure cooker ang bangus at patatas.

3. ilagay din ang sibuyas, asin at paminta.

4. at lagyan ng tubig. tiyaking nakalubog ang lahat sa tubig.

5. isalang sa loob ng 1-1/2 oras o 2 oras depende sa laki ng mga bangus. sa unang pagsipol ay hinaan na ang apoy.

6. matapos ng 2 oras. hayaan munang bumaba ang temperatura nito. salain ang bangus at patatas. palamigin at itabi.

7. sa isang malaking mangkok, durugin ang bangus at patatas.

8. ihalo ang itlog.

9. maaaring timplahan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

10. ilagay ang olive oil o tinunaw na butter.

11. haluing mabuti ang mga sangkap.

12. samantala, maaari nang painitin ang oven. ihanda ang baking pan at sapinan ng foil ang mga ito.

13. lagyan ang bawat baking pan ng mga sangkap at lutuin sa oven. lutuin sa loob ng 15 minuto o hanggang maging brown na ang itaas.

14. hanguin at palamigin. maaaring ihapag ito ng may kasamang pipino at mayonaise.

paghahahinan: sapat para sa 10 katao

Lunes, Nobyembre 12, 2012

Kaldereta ni Diwata

sa totoo lang wala sa plano ang pagluluto ko nito. kasi di ko mawari ano ba ang gusto ko. ang suma ay pinakuluan ko muna ang pata na parang isinangkutsa ika nga ng mga matatanda. isangkutsa sa bawang, sibuyas, toyo, suka at tubig. parang adobo lang hane? syempre mahaba-mahabang proseso at kinakailangang palambutin ng bongga ang karne at mahirap na makipagbabag ang mga ngipin sa karne na animo'y goma sa tigas. mahirap na, imbes na tuwa ay pagkadismaya pa at stress ang maibibigay nito sa atin. so tipong "slow cooking" ang diskarte - mahinang apoy at tuluy-tuloy na pagpapakulo.

katulad ng nakagawian ay halughog ko ang imbakan. anu-ano bang maaari kong ilagay at isama sa lulutuin ko? meron akong tomato sauce, beans, liver spread at mayroon pa rin akong peas sa ref. hmmmm... okay solve na ang problema, pagsama-samahin ang mga ito para sa iisang lutuin!

kaya, HAPPY TUMMY!


Kaldereta ni Diwata

mga sangkap
3/4 kilong pata ng baboy
2 pirasong patatas
2 pirasong carrots
1 pirasong capsicum
1 tasang peas
1 latang beans in tomato sauce
1 pirasaong sibuyas
4 butil ng bawang
asin
paminta
chili flakes
1/2 tasang toyo
1/4 tasang suka
1 litrong tubig
1/2 tasang cheese
1 maliit na lata ng liver spread (reno)
1 maliit na lata ng tomato sauce
2 kutsarang tomato paste
1/2 tasang mantika

nota: ang mga asin, paminta at chili flakes ay inaayon sa panlasa.

paraan ng pagluluto

1. sa kaldero ay pakuluan at palambutin ang karne na kasama ang kalahati ng sibuyas at bawang, paminta, asin, toyo, suka at tubig.

2. samantala ay prituhin muna ang patatas at carrots. itabi.

3. sa parehong kawali ay igisa ang bawang, sibuyas at chili flakes.

4. ilagay ang tomato paste ay hayaang humalo ito sa gisa.

5. isunod na ilagay ang karne. hayaang sumisip ang lasa ng gisa sa karne.

6. tubigan. pakuluin.

7. kapag halos nangalahati na ang tubig ay ilagay ang tomato sauce, patatas, carrots, peas, beans, liver spread at cheese. pakuluin.

8. maaaring dagdag ng asin, paminta at chili flakes kung kinakailangan.

9. ilagay ang capsicum at pakuluan sa loob ng 2 minuto.

10. hanguin at ihapag ng may kasamang mainit na kanin.

paghahahinan: 4-5 ulaman


Sabado, Nobyembre 10, 2012

Chicken-Tofu Sisig ala Dada

sa nakaraang chat namin ni kuya ay napag-usapan namin ang pagda-diet at exercise. at syempre isa sa tampok ay ang mga pagkain. bawasan ang ganito. damihan mo nito. at iwasan ang ganito. at ang Tokwa ang kanyang pinahalalahanang bawasan ko sa diet ko. mataas din kasi ito "uric acid" kaya makakadagdag ito sa pananakit ng mga kasu-kasuan ko. ganito na nga siguro ang nagkaka-edad. ang mga paborito at madalas kong kainin ay unti-unting pinagbabawal na. hahay.

naturalmente ay mulat ako sa ganung kalagayan, kaya naman ay kino-kontrol ko ang in-take ng mga ito. kasi sa huli, ako rin ang kawawa. aaarrraaaggggguuuuuuyyyy!!! kaya paminsan-minsan (pero madalas nga daw eh, ha ha ha!) ay binibigay ko ang hilig ko. so, gora sa TOKWA!

muli, HAPPY TUMMY!

Chicken-Tofu Sisig ala Dada

mga sangkap
1/4 laman ng manok
1 balot ng tokwa
2 pirasong sibuyas
2 pirasong siling haba
1 maliit na lata ng liver spread (reno)
1 pirasong lemon
asin, ayon sa panlasa
paminta, ayon sa panlasa

paraan ng pagluluto

1. pakuluan at palambutin ang manok ng may timpla ng asin at paminta.

2. kapag "fork-tender" o malambot na ang karne ay hanguin at palamigin. alisin ang buto at gayatin ng "cubes" o ayon sa nais. itabi.

3. samantala, prituhin ang tokwa. at gayatin din ng cubes ang mga ito. itabi.

4. gayatin ang sibuyas at sili.

5. pagsama-samahin ang lahat ng sangkap sa isang malaking mangkok. ang lemon, asin at paminta ay i-ayon sa panlasa.

paghahahinan: 3 ulaman

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Sinabawang Pork & Beans ala Diwata

isip. isip. isip. halos isang linggo akong kumakain ng manok, so wala munang manok sa linggong ito. nung mga nakaraan naman ay puro isda, so nega ulit ito sa ngayon. hmmm... hmm... ay sha, baboy naman ngayon! teka, ay ko naman ng prito lang o puro-purong karne. gusto ko sinabawan. sinigang? hmm... parang ayaw ko. nilaga? wa ko type. isip. isip. isip.

ting! so dali-dali akong pumunta sa tindahan. bili ng lettuce! tsek ang aking imbakan... tsek mayroon akong beans! defrost ang karne. gayat ng bawang, sibuyas at kamatis! whhooaaaallllaaa!!! isang panibagong putahe na naman na nakapagpataas ng mga kilay ng aking mga ka-flat!

HAPPY TUMMY!

Sinabawang Pork & Beans ala Diwata

mga sangkap

1/4 kilong baboy
1 latang beans in tomato sauce
1 malaking kamatis, ginayat
1 pirasong sibuyas
4 butil ng bawang
8 dahon ng lettuce, ginayat
asin
paminta
paprika
1/4 tasang mantika
2 tasang tubig

paraan ng pagluluto

1. sa kawali na may mainit na mantika, igisa ang bawang, sibuyas at kamatis.

2. kapag halos malustak na ang kamatis ay ilagay ang karne ng baboy. at lutuin sa loob ng 3 minuto.

3. budburan ng asin, paminta at paprika ang karne ayon sa panlasa. at hayaang kumapit ang lasa sa karne sa loob ng 2 minuto.

4. ilagay ang beans at ang tubig. pakuluan hanggang sa lumbot ang karne.

5. kapag malambot na ang karne ay maaaring dagdagan ng asin at paminta kung kinakailangan.

6. ilagay ang lettuce at patayin ang apoy. at hayaang maluto ang gulay.

7. maaaring itong ulamin o ipareha sa tinapay kung naisin.

paghahahinan: 3 ulaman

Martes, Nobyembre 6, 2012

Chicken Curry ng Diwata


nang malipat ako sa 201-A, isa sa kinagigiliwang putaheng niluluto ng mga tropa dun ay ang chicken curry. curious ako kasi never ko pa itong niluto. parang wala akong kumpiyansa baga. pero ika nga, bahagi na sa akin ang pagiging mapangngahas sa kusina. nag-eeksperimento at nagluluto ng mga pagkain na gusto kong matutunan at kainin. nagsimula sa patikim-tikim at panonood sa bawat pagluluto nila. hanggang isang araw ay nagkaroon na ko ng lakas ng loob na lutuin ito.

kaya, HAPPY TUMMY!

Chicken Curry ng Diwata

mga sangkap

1/2 kilong manok
1 malaking patatas
1 malaking capsicum
1 sibuyas
4 butil ng bawang
1 luya
2 kutsarang curry powder
1/2 tasang gata
2 kutsarang patis (ayon sa panlasa)
asin (ayon sa panlasa)
paminta (ayon sa panlasa)
chili flakes (ayon sa panlasa)
1/2 tasang mantika
1 tasang tubig

paraan ng pagluluto

1. pahiran o budburan ng asin at paminta ang manok para mamarinate ito sa karne sa loob ng 30 minuto.

2. sa kawali, painitin ang mantika. tsaka iprito ang mga manok. sapat na mag-brown ang mga ito at hanguin.

3. prituhin na rin ang mga patatas. hanguin at itabi.

4. sa mismong pinaprituhan ng manok at patatas, igisa ang luya, chili flakes, bawang at sibuyas.

5. kapag naghalo na ang mga aroma o amoy ng mga nauna ay tsaka ilagay ang curry powder.

6. igisa sa loob ng 2 minuto.

7. ilagay ang manok at patis. at lutuin sa loob ng 5 minuto.

8. ibuhos ang tubig at pakuluan.

9. ibalik ang patatas at muling pakuluin.

10. ilagay ang gata at pakuluin muli.

11. kapag halos mangalahati na ang sabaw ay maaari ito lagyan muli ng asin o patis, paminta o chili flakes ayon sa panlasa.

12. at ilagay ang capsicum at lutuin sa loob ng 3 minuto.

13. hanguin at  ihapag ng may kasamang mainit na kanin!

paghahahinan: 2-3 ulaman

Linggo, Nobyembre 4, 2012

itlog na maalat

isang araw ay nakatanggap ako ng text at tawag mula sa isang kaibigan na si Che. akala ko ay anong "emergency" at ganun ka-intense ang kanyang mensahe na kailangan nya kong makausap. labis ang pag-aalala ko at baka ano na nga ang nangyari sa kanya. so ang ending nakausap ko sya, hay babalitaan sana nya pala ko na mayroong "SALE". nunka, wis, hindi sapatos o damit ang binabanggit nya... walang iba kundi - ITLOG. oo, ITLOG! 

nakatutuwa kasi pareho kaming birador ng mga "SALE" lalu na ng mga pagkain syempre. at hayun sya ang namakyaw ng dalawang tray ng itlog! ang problema nya e paano ang pagkokonsumo ng mga ito. bwahahahahahaha, syempre to the rescue ang peg ko kuno. isip kami ng pwedeng gawin. at ang pagbuburo ang isang alternatibo na maaaring magtagal at ma-imbak ang mga ito. at syempre ang paggawa na rin ng leche flan sana.

so dahil napakarami nyang itlog, ako naman ay naambunan ng kanyang grasya. kaya gora sa pagbuburo ng ito!

HAPPY TUMMY!

ITLOG NA MAALAT

mga sangkap

12 pirasong itlog
1 tasang asin
2 litrong tubig
lalagyan

paraan ng pagluluto

1. pakuluan ang tubig at asin. brine ang tawag sa solusyon na ito na syang magsisilbing pangburo ng itlog.

2. tiyaking natunaw na ang asin at hanguin. palamagin at itabi.

3. isalansan ang mga itlog sa lalagyan.

4. ibuhos ang brine sa mga itlog.

5. takpan ang mga itlog at lagyan ng label ng petsa ng paggawa.

6. matapos ang ika-15 araw ng pagbuburo ay maaaring subukan lutuin ang isang piraso para malaman kung nakapit na ang alat. pakuluan sa loob ng 15 minuto.

7. kung di pa sapat ang alat ay hayaan lamang ang mga itlog na paabutin hanggang sa ika-30 hanggang 45 na araw.

8. matapos ang pagbuburo ay tsaka pakuluan ang mga itlog sa loob ng 30 minuto.

9. hanguin at itabi sa imbakan - kainin sa panahon na naisin.

Biyernes, Nobyembre 2, 2012

espesyal na paksiw na bangus

noong una kong lutuin ang putaheng ito sa aming flat, ang lahat ay nagtataka at marahil iniisip na baliw na ata ako. lahat ay nagtatanong ng kung ano ba ang niluluto ko - syempre agaw pansin ang pagkalakas-lakas ng sirit ng pressure cooker! animo'y pagkatigas-tigas na karne ang niluluto ko.

at ng ireveal ko kung ano nga ba ang nasa loob ng pressure cooker... lahat ay taas kilay at natatawa na PAKSIW NA BANGUS lang pala ang niluto ko! BANGUS? PRESSURE COOKER? isang malaking HALLLEEEEEEEEEERRR? DUH? sabi pa nga ng isa na kakaiba daw ako at nakangisi ito. mantakin mo ba namang kulang sa dalawang oras ko kasi itong niluto! oo, dalawang oras lang naman!

ang lutuing ito ay inspired by Ginang Connie Veneracion, isang food blogger na aking tinatangkilik. mula dito ay iniluwal ang aking espesyal na paksiw na bangus!

at ang ending, pumatok at bumenta ang abang paksiw. at sila na rin ay nakigaya na ng paraan ng pagluluto ko. kakatuwa di ba?

HAPPY TUMMY!

Espesyal na Paksiw na Bangus

mga sangkap

2 malalaking bangus
1 sibuyas
6 siling haba
1 gahinlalaking luya
1 1/2 tasang suka
1 tasang tubig
2 kutsarang asukal (opsyunal)
1 kutsaritang mantika

paraan ng pagluluto

1. isalansan at pagsama-samahin ang lahat ng sangkap sa pressure cooker.

2. isalang sa loob ng 1-2 oras. sa unang pagsipol nito ay hinaan ang apoy.

3. matapos ang 1-2 oras ay maaaring ng hanguin.

nota: maaaring lagyan ng gulay kung nanaisin ngunit huwag isabay sa pressure cooker.