Linggo, Oktubre 27, 2013

Sarciadong Hasa-Hasa

Isa sa naging obserbasyon ko mula nung mapadpad ako dito UAE, kalakhan ng mga kabayan ay mayroong allergic reaction sa pagkain ng manok. Sa unang dalawang taon ko dito ay di naman ako tinablan ika nga ng sinasabi nilang allergic reaction sa pagkain ng manok. Ngunit nitong mga nagdaang buwan, mula nung nagkasunud-sunod ang kain ko ng manok mula sa mga arabic resto ay dun na nagsimulang magpamalas ng kapangyarihan ang manok sa akin. Uu, tinablan din ang Diwata. Marahil ay di na sapat ang aking kapangyarihan dito sa lupa. Bwahahahaha! Etchos!

At dahil na nga humina na ang aking Wei Qi o ang pang depensa ko laban sa manok, napagpasyahan kong lumiban sa pagluluto at pagkain ng manok. Bagamat malaking kalungkutan ito kasi gusto ko pa man ding magluto ng chicken curry, chicken adobo, chicken sisig  at chicken in peanut butter. So move over muna manokis! At say hello sa isda - HASA-HASA!

HAPPY TUMMY!


Sarciadong Hasa-Hasa

Mga Sangkap

1/4 kilong Hasa-Hasa
2 pirasong Kamatis
1 pirasong Itlog
1 pirasong Sibuyas
4 na butil ng Bawang
1/2 tasa ng Mantika
2 kutsara ng Tausi
1/2 tasa ng Tubig

Paraan

1. Iprito muna ang Hasa-Hasa at itabi.

2. Igisa ang bawang, sibuyas at kamatis.

3. Ilagay ang tausi at itlog. Haluin.

4. Ibuhos ang tubig. Pakuluin.

5. Ilagay ang piniritong Hasa-hasa at pakuluin.

6. Kapag nasipsip na ng isda ang sarsa sa loob ng 3 minuto ay maaari ng hanguin at ihain ng may mainit na kanin.

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Adobong Sitaw with Beef Brisket-Kuno Sauce

Malapit na namang matapos ang buwan ng Oktubre at nalalapit na ring magpalit ng taon. Sadyang napakabilis ng mga araw at nung nakaraang taon ay di magkanda-ugaga ang mga kaibigan ko sa pagbasa ng aking mga sulatin. Naks! Feeling naman ako na binabasa nga nila, ha ha ha. Bagamat nalalaan kong iilan lamang sila ay nakakatuwang malaman na nagkakaroon sila ng panahon na bumista sa ating tambayan. Maraming salamat!

O sha tama na ang pag-eemote at kailangan na nating magbahaginan at makipag-aralan sa kusina! Ang pangunahin o dili kaya ang pinaka-sikretong sangkap nitong putahe ngayon ay ang sarsa mula sa nauna ko ng nailuto, at i-klik mo dito ng iyong mapagtanto. Oo, galing sa sarsa ng aking Beef Brisket. Kaya di ko na kinailangan ng dagdag na karne para dito.

Kaya ano pa nga ang susunod? Luto na!

HAPPY TUMMY!


Adobong Sitaw with Beef Brisket-Kuno Sauce

Mga Sangkap

1/4 kilo ng Sitaw
2 butil ng Bawang
4 pirasong Siling Haba
1 pirasong Lemon
1 basong Beef Brisket-Kuno Sauce (tira)
Asin
Paminta
2 kutsarang Mantika

Paraan

1. Hiwain ng tig-2 inches ang sitaw. Itabi.

2. Sa kawali, igisa ang bawang sa mainit na mantika.

3. Ilagay ang sili at sitaw. Igisa sa loob ng 3 minuto.

4. Ibuhos ang sarsa. Pakuluin.

5. Ibuhos ang katas ng lemon. Huwag hahaluin. Hayaang kumulo.

6. Maaaring dagdagan ng asin at paminta ayon sa panlasa.

7. Ihain matapos na matiyak na luto na ang sitaw.

Huwebes, Oktubre 10, 2013

Relyenong Bangus

Nung makabili ako ng pressure cooker, isa sa pinakaabangan kong isda na mabili sa supermarket ay ang BANGUS! Syempre para muli kong mailuto ang aking tatak at pamosong pressure cooked bangus recipes na paksiw at fish cake.Ngunit hindi ko pa kakayaning lutuin muli ung fish cake gawa ng wala naman kaming oven sa flat, kalungkutan di baga? So ang ending ay isip-isip... kaya subukan ko ang gumawa ng relyeno! Minsan ko palang nasubukang magrelyeno sa tanang-buhay ko at di ko na matandaan kung paano ang naging gawa ko noon.

Search. Search. Nood. Nood. Nood. Pak! Ayan may kumpiyansa na kong gawin ang relyeno, marahil sapat na ang naitulong ni Google at Youtube sa akin para armasan ako ng tamang kaalaman! Naks, parang seryosong labanan no? Syempre dapat maingat at matagumpay kong maihiwalay ang laman at balat ng bangus. Naturalmente ay tibay ng dibdib at buo ang loob ko sa gagawing operasyon! Parang panahon lang sa medikal eh, ibalik ang pagiging siruhano mode! Pak!

Sa kabila ng kakapusan sa praktika at kagamitan ay naging matagumpay naman ang paghihiwalay ng laman sa balat. Kakaiba ang pakiramdam habang isinasagawa ko ang operasyon kasi pakiramdam ko parang nasa operating room ako, bwahahahaha. 

Ang ending, pasok sa banga ang relyeno ko!


HAPPY TUMMY!


RELYENONG BANGUS

Mga Sangkap

1 pirasong Bangus
1 pirasong Patatas
1 pirasong Carrots
1 tangkay ng Celery
1 pirasong Capsicum
1 pirasong Itlog
3 kutsara ng Bread Crumbs
2 kutsara ng Mantika
2 kutsara ng Toyo
1 piraso ng Lemon
Asin
Paminta
Paprika
Foil

Paraan ng Pagluluto

1.  Pakuluin sa pressure cooker ang karne ng bangus na may timplang asin at paminta sa loob ng 45 minuto.

2. Ang balat naman ng bangus ay ibabad sa toyo at lemon. Itabi.

2. Samantala ay gayatin ng maliliit ang patatas, carrots, celery at capsicum. At igisa sa mantika, asin, paminta at paprika. Hanguin at palamigin. Itabi.

3. Matapos pakuluin ang isda, hanguin at palamigin. Himayin.

4. Pagsamahin ang hinimay na bangus, ginisang gulay, bread crumbs at itlog. Haluing mabuti. Maaaring budburan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

5. Ipalaman ang mixture sa balat ng bangus.
Nakabalot na ng foil ang bangus

6. Balutin ng foil ang bangus at i-steam sa loob ng 30 minuto.
Improvised steamer ang ginawa ko dine.

7. Palamigin at itabi.

8. Maaaring iprito o i-bake ang relyeno o ayon sa nais.

9. Ihain ng may kasamang mainit na kanin at toyo-lemon na sawsawan.