Linggo, Setyembre 29, 2013

Beef Brisket-Kuno

Noong isang day off na napagpasyahan namin ni Geebeth na isakatuparan ang pinapangarap naming isang agahan sa IKEA... at napagpasyahan ko rin sa wakas na bumili ng PRESSURE COOKER! Oo, P-R-E-S-S-U-R-E  C-O-O-K-E-R!!! Maka-ilang ulit ko ring kinumbinsi ko ang sarili ko... Gora Diwata, at bilhin na ang pinapangarap mong gadget (Naks! parang kalebel lang ng mga iPhone ah)! So madali't sabi e binili ko na nga, kung saan pikit mata ko itong binayaran sa counter. Oo, parang gusto ko pang-umatras! Habang bitbit ito pauwi, ang daming mga ideya na animo'y lumulutang-lutang sa paligid ko... day dreaming na lang ang peg ko; iba't-ibang menu na maaari ko na ring mailuto gamit ang Pressure Cooker. Walang pagsidlan ang kasihayan ko at di ako makapaniwalang - OO, MAY PRESSURE COOKER NA KO. Ang kulit lang di ba? O sya tama na ang sirang-plaka, diretso na sa luto.

At ang una kong ibabahagi sa inyo ay ang pagluluto ng BAKA. Syempre hindi iyo nilaga o sinigang. Pasosyal lang ng konti ang tirada. Madalas kong nababasa at napapanood sa mga cooking show/pages. At itong huli ay na-inspire ako sa winning menu ng nanalong Master Chef US na si Luca. Na kung saan ay nagluto sya ng baka na ayon kay Gordon Ramsay ay nanaisin nya itong maging huling pagkain bago sya pumanaw. Ang bigat, di ba? So gaya-gaya lang ako. Natural sariling kong diskarte ang pagbubuo ng mga sangkap nito.

At nang pasinayaan ko na itong gamitin, nabulabog ang aming kusina at ang buong flat ng simulan ko na ang pagluluto. Naturalmente at iskandaloso ang ingay na nililikha ng pressure cooker sa bawat pagsipol nito. Pero keber lang at ganun talaga e. Marahil isinusumpa ang ng mga ka-flat ko sa ingay, he he he. Wala kong magagawa para patahimikin ito kundi hintayin ang takdang oras para alisin sa apoy.

At ng humantong na sa takdang oras, at tttaaaaaaddddddaaaaaaahhhh!!!

HAPPY TUMMY!


BEEF BRISKET-KUNO

Mga Sangkap

1/2 kilong karne ng Baka
2 piraso ng Patatas
2 piraso ng carrots
2 piraso ng tangkay ng Celery
1 piraso ng Sibuyas
4 butil ng Bawang
4 piraso ng Siling Haba
2 piraso ng Kamatis
3 kutsara ng Mantika
2 kutsara ng Harina
1/2 tasa ng Toyo
4 kutsara ng Oyster sauce
2 tasa ng Tubig
Asin
Paminta
Paprika
Asukal

Paraan ng Pagluluto

1. Ihanda ang pressure cooker na may mantika. Habang hinihitay na uminit ito ay balutin ng harina na may timplang, asin, paminta at paprika ang karne. I-prito saglit ang karne at itabi.




2. I-prito din ang papatas. Itabi.


3. Sa mismong pinagprituhan ay igisa ang bawang, sibuyas, carrots at celery sa loob ng 3-5 minuto.




4. Ilagay ang kamatis. Igisa.


5. Ilagay ang Karne ng Baka. Haluin.


6. Ibuhos ang toyo, oyster sauce, asukal at tubig. Takpan na ang pressure cooker. At pakuluin sa loob ng 30 minuto mula sa unang pagsipol ng Pressure cooker.


7. Matapos ang 30 minuto, alisin sa apoy. Hayaan munang bumaba ang temperatura ng Pressure cooker bago ito buksan.

8. Sa pagbukas ng pressure cooker, tignan ang karne kung tama ang lambot nito. Isalang muli sa apoy. Maaaring dagdagan ng asin, paminta at paprika ayon sa panlasa.

9. Ilagay ang papatas at sili. Pakuluin sa loob ng 5 minuto o hanggang sa magkaroon na lamang ng sapat na sarsa.


10. Hanguin at ihain ng may mainit na kanin!


Sabado, Setyembre 14, 2013

Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Jam packed ang aking weekend. Sulit na sulit ika nga. Salamat sa aking weekend buddy na si Geebeth sa pagtuwang na maisakatuparan ito. At bilang pagsasara ng linggong ito ay naghanda ako ng di ko pa natikmang putahe sa buong buhay ko he he. Nag-eksperimento na naman ako - kaya sa isa ko pang kaibigang si Nalaine e huwag kang matakot sa pag-eksperimento sa pagluluto. Ika nga e kailangang makapagluwal tayo ng isang teorya at i-proseso sa praktika para muli itong maitaas sa antas ng panibagong teorya! Naks, may mga ganung banat naman. Halos maghapon ko ring binubuo ang recipe na ito sa isip ko. Ayaw ko kasing magluto ng sisig kaya sabi ko nga sa sarili ko e karne na naman baga? Kawawa na ang panununaw ko at ang nagkakasunod na ang karne sa linggong ito. Kaya isip-isip ng bongga. Kaya matapos ang gala namin ni Geebeth ay dumiretso kami sa supermarket para bilhin ang iba pang sangkap na maaaring mag-compliment sa tenga ng baboy! At taaaadddaaaaahhhh.... niluwal ang nagsasa-sosyal na mala-kilawin at mala-ensaladang lutuin!

HAPPY TUMMY!



Pork Ears with Apple, Celery and Onion Slaw

Mga Sangkap:

1/4 kilong Tenga ng Baboy
1 pirasong Green Apple
1 malaking pirasong Sibuyas
2 tangkay ng Celery
1/4 tasa ng Suka
1 pirasong Lemon
3 piraso ng Siling Haba
Asin
Paminta
Asukal

Pamamaraan:

1. Pakuluan at palambutin ang tenga ng baboy. Gayatin ito ng pahaba o strips at itabi.

2. Gayatin ng halos kasing laki ng hiwa ng baboy ang Apple, Celery, Sibuyas at Sili. Itabi.

3. Pagsamahin ang suka at katas ng lemon. Timplahan ito ng asin, paminta at asukal ayon sa panlasa.

4. Pagsama-samahin ang lahat ng sangkap. Haluing mabuti. Maaaring dagdagan o remendyuhan ang timpla sa asin, paminta o asukal.

5. Maaari ng ihain at sabayan ng mainit na kanin o serbesa!