Miyerkules, Agosto 28, 2013

Fish Fillet in Mayo-Onion Dip

Since mainit-init pa rin ang panawagang "Makibaka, wag magbaboy!", no porky-porky meal muna ang peg ko ngayon. Subok-subok ng mga bago sa akin at bagamat hindi ako fan ng isda, bakit di ko subukan ito? At dahil reyna ata ko ng mga katipiran at hinahalughog ko ang mga murang bilihin lalu na ang pagkain!

Boom! Mayroong naka-fillet ng isda na mabibili sa supermarket. Medyo matatagal ko ng pinag iisipan kung ano nga ba ang pwede kong iluto sa isda. Sweet & sour kaya? Naaaahh. Ayaw ko. In cream sauce kaya? Hmmmm.... Isip-isip. At salamat sa aking kaibigang Noel, binigyan nya ko ng ideya sa kung ano ang pwedeng tirada!!!

Woooot! Wooooot!

HAPPY TUMMY!

Fish Fillet in Mayo-Onion Dip

Mga Sangkap:

1/2 kilong Fish fillet (kahit anong isda) at gayatin sa "bite size"
1 tasang harina
3 kutsarang Toyo
1 pirasong Lemon
1 pirasong Sibuyas na ginayat ng maliliit
1 tasang Mayonaise
Asin
Paminta
Paprika
Mantika
Yelo
1/2 tasang Tubig na malamig
Mantika

Mga Hakbang sa Pagluluto

1. Ihanda muna ang isda, gayatin ng tig-2 inches o ayun sa bite size.

2. Ibabad ang isda sa toyo, asin, paminta, lemon at paprika sa loob ng 30 minuto. Itabi.

3. Ihanda ang sawsawan. Pagsamahin ang mayonaise at sibuyas. Timplahan ng asin, paminta at lemon na ayon sa panlasa. Itabi. Pinakamainam na overnight (yan ang tip ni Noel) ang preparasyon nito para higit na magkumbina ang mga lasa nito.

4. Ihanda ang kalan para iprito ang isda.

5. Habang pinapainit ang kalan, ihanda ang breading.

6. Tatlong hakbang ang breading: Una, plain harina; Ikalawa, yelo at tubig; at huli, ay Flavoured Harina (Asin, paminta, at paprika).

7. I-drain ang isda mula sa marinate.

8. Isa-isang sa plain harina ang isda.

9. Mabilis na itubog sa konting tubig na may yelo.

10. At panghuling coating ay ang flavoured harina.

11. I-prito. Itabi.

12. Maaari ng ihain matapos ang buong proseso.




Biyernes, Agosto 23, 2013

Diwatang Lagalag's Ginataang Baka Espesyal


At dahil panahon ngayon ng kainitan ng isyu hinggil sa  Pork barrel/Napoles at mayroong panawagan na Makibaka at Huwag magbaboy!Kaya eto ang aking tugon sa panawagan at pananghaliang ito. Isang kakaibang lutuing nag-evolve mula sa simpleng nilaga hanggang sa maging parang pochero na caldereta. 

At dahil nakahanda kong iluto na ang Nilagang Baka, sinumulan ko na munang palambutin ang karne. Syempre marapat lamang na kaiga-igaya ang bawat pag-nguya para namnamin ang mga sumasabog na linamnam at lasa ng pagkain. Mahirap naman kumain na animo'y nakikipagbuno ka sa isang goma! Kawawa naman ang panga mo pag nagkataon.

So ang siste, dahil hindi naman ako "fan" ng nilaga at parang mabigat sa kalooban kong magluto nito ay nag-isip ng pwedeng twist sa putaheng ito. Naturalmente, tingin-tingin sa aking mga imbak. Boom! Mayroon akong gata, tomato paste at tirang hotdog. 

Taaa--daaaahhhhh!!! 

HAPPY TUMMY!

Diwatang Lagalag's Ginataang Baka Espesyal

Mga Sangkap:

1/4 kilong karne ng Baka na ginayat na tig- 2 inches strips
1 malaking Patatas gayatin na kasing laki ng sa baka
1/4 kilong Repolyo
1 pirasong Sibuyas
4 na butil ng Bawang
1 kutsara ng Tomato Paste
3 pirasong Hotdog 
1 lata ng Gata
2 kutsarang Toyo
Asin
Paminta
Paprika
Chili Flakes
Mantika

Hakbang sa Pagluluto:
1. Palambutin ang karne. Itabi.

2. Iprito ang ang patatas. Itabi.

3. Sa pinagprituhan ng patatas, igisa ang bawang at sibuyas.

4. Ilagay ang karne ng baka. 

5. Budburan ng paminta, chili flakes at paprika. Igisa.

6. Ibuhos ang toyo at tomato paste. Hayaang kumapit ang lasa ng mga ito sa karne. Igisa sa loob ng 3 minuto. Tuluy-tuloy ang paghalo.

7. Ilagay ang hotdog.

8. Ibuhos na ang gata. Pakuluin.

9. Kapag halos makalahati na ang sabaw ay ilagay na ang repolyo at patatas. Pakuluin.

10. Maaari na itong timplahan muli ng asin at paminta ayon sa panlasa.

11. At kapag naluto na ang repolyo at maaari na itong hanguin at ihain.